26/08/2026
𝐀𝐊𝐓𝐎𝐑 𝐍𝐀 𝐒𝐀𝐍𝐆𝐊𝐎𝐓 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐍𝐆-𝐀𝐀𝐑𝐀𝐑𝐎 𝐒𝐀 𝐓𝐀𝐓𝐋𝐎𝐍𝐆 𝐄𝐒𝐓𝐀𝐁𝐋𝐈𝐒𝐈𝐌𝐘𝐄𝐍𝐓𝐎 𝐒𝐀 𝐀𝐍𝐓𝐈𝐏𝐎𝐋𝐎, 𝐏𝐈𝐍𝐀𝐃𝐀𝐋𝐇𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐋𝐓𝐎 𝐍𝐆 𝐒𝐂𝐎; 𝐋𝐈𝐒𝐄𝐍𝐒𝐘𝐀 𝐍𝐆 𝐃𝐑𝐈𝐕𝐄𝐑 𝐒𝐔𝐒𝐏𝐄𝐍𝐃𝐈𝐃𝐎, 𝐒𝐀𝐒𝐀𝐊𝐘𝐀𝐍 𝐈𝐍𝐀𝐋𝐀𝐑𝐌𝐀
Bilang bahagi ng mandato ng Land Transportation Office (LTO) na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa kalsada at ipatupad ang mga panuntunan para sa ligtas na pagmamaneho, agad na nag-isyu ng Show Cause Order (SCO) at nagsagawa ng imbestigasyon ang ahensya sa direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kaugnay ng insidenteng naganap sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal, na kinasangkutan ng sasakyang minamaneho ng isang aktor.
Batay sa isinagawang imbestigasyon at mga nakalap na ebidensya, kabilang ang ulat ng Antipolo Component City Police Station, nawalan ng kontrol ang aktor sa minamaneho niyang sasakyan. Dahil dito, napunta ang sasakyan sa kabilang linya ng kalsada bago bumangga sa tatlong establisimyento at isang nakaparadang motorsiklo, kung saan isang indibidwal ang nagtamo ng sugat matapos mabangga ng sasakyan.
Sa inilabas namang pahayag, inamin ng aktor na siya ang nagmamaneho ng sasakyan at kinilala ang kaniyang pananagutan sa insidente matapos siyang makatulog habang nagmamaneho dahil sa matinding pagod. Ipinahayag din niya ang kaniyang kahandaang akuin ang buong personal at legal na pananagutan, kabilang ang pagtugon sa pangangailangan ng nasugatang indibidwal at sa mga pinsalang idinulot sa mga establisimyento.
Bilang bahagi ng proseso, kinakailangang humarap ang rehistradong may-ari at ang itinalagang drayber sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO para sa pagdinig na nakatakda sa Agosto 28, 2026. Inaatasan din silang magsumite ng sinumpaang paliwanag at mga kaukulang dokumentong maaaring magsilbing suporta sa kanilang panig kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa SCO.
Maaari namang maharap ang aktor sa kaukulang pananagutan para sa mga paglabag sa ilalim ng umiiral na mga batas at regulasyon ng LTO, kabilang ang Reckless Driving, gayundin ang posibleng pagsuspinde o pagbawi ng kaniyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
"Bago pa man paandarin ang sasakyan, dapat alam na ng driver kung kaya niyang manatiling alerto hanggang sa makarating sa kaniyang destinasyon. Kung pagod o inaantok, huwag nang ipilit ang pagmamaneho dahil inilalagay lamang niya sa panganib ang kaniyang sarili, pati na rin ang ibang motorista at mga taong nasa paligid,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
“Tungkulin ng LTO na ipatupad ang mga batas, at tungkulin ko ring hindi palampasin ang mga ganitong insidente. Isasailalim natin ito sa due process,” dagdag niya.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inilagay na ng LTO sa alarm status ang pribadong sasakyan at inatasan ang aktor na agad na isuko ang kanyang driver’s license sa IID, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.
Muling nananawagan ang LTO sa lahat ng motorista na maging maingat at responsable sa pagmamaneho. Kung pagod o inaantok, huwag nang ipilit ang pagmamaneho at maglaan muna ng oras upang makapagpahinga. Sa simpleng pag-iingat, maiiwasan ang aksidente at mapoprotektahan ang sariling buhay at kaligtasan ng ibang tao sa kalsada. Patuloy namang ipatutupad ng LTO ang mga batas at regulasyon upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada.