18/07/2025
BAGYONG CRISING, POSIBLENG LALABAS NA NG PAR NGAYONG ARAW- PAGASA
Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong " Crising" ngayong Sabado, Hulyo 19, 2025.
Ayon sa PAGASA, patuloy na kumikilos ang bagyo pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15km/h.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na 85km/h malapit sa gitna at pagbugso na 115km/h.
Huling namataas ang sentro ng bagyo kaninang alas singko ng umaga sa layong 125km kanluran hilagang kanluran ng Calayan, Cagayan.
Bagama't papalayo na ng PAR, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa mga lugar sa hilagang bahagi ng Cagayan kabilang na ang bayan ng Sta Praxedes, Claveria, Sanchez-Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Sta Ana, Gonzaga, Sta Teresita, Buguey, Aparri, Camalaniugan, Allacapan, Lal-Lo, Lasam, Rizal, Sto Niño, Gattaran, at Alcala kasama na ang Babuyan Islands.
Bukod sa mga nasabing bayan nakasailalim din sa signal no. 2 ang buong probinsiya ng Batanes, Ilocos Norte, northern at central portion ng Apayao (Calanasan, Luna, Pudtol, Kabugao, Flora, Santa Marcela) at hilagang silangan Abra (Tineg, Lagayan).
Signal no. 1 naman sa natitirang bahagi ng Cagayan, hilagang bahagi ng Isabela (Mallig, Divilacan, Quirino, Gamu, Ilagan City, Burgos, San Manuel, Roxas, San Mateo, Aurora, Luna, Cabatuan, Reina Mercedes, Naguilian, Santa Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Tumauini, Delfin Albano, Quezon, Santo Tomas) , natitirag bahagi ng Apayao; natitirang bahagi ng Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet (Bakun, Mankayan, Buguias, Kibungan, Kabayan, Atok, Kapangan), Ilocos Sur, at hilagang bahagi ng La Union (Bangar, Sudipen, Luna, Balaoan, Santol, San Gabriel, Bacnotan, City of San Fernando, San Juan, Bagulin).
Ayon sa PAGASA, makakaranas pa rin ng pag-uulan ang mga nabanggit na lugar habang papalayo na ng PAR ang bagyo kaya, patuloy na pinag-iingat ang publiko sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, nakataas naman ang Gale warning sa mga baybayin sa Cagayan na umaabot hanggang 4.5m ang taas ng alon na delikado para sa lahat ng mga maglalayag. (Digna Bingayen)