18/05/2025
NANAIG ANG KATOTOHANAN
Ilang araw pagkaraan ng Halalan, malalaman na rin ninyo na walang katotohanan ang mga bintang sa akin tungkol sa mga diumanoy ari-arian ko tulad ng GoodTaste, Parkway, Megatower, 200 taxis, Caltex, at iba pang mga negosyo. Malalaman na rin ninyo na pawang kasinungalingan lang ang mga akusasyon sa akin ng korapsyon, gawa ng mga tunay na korap na pulitiko na may masamang intensyon sa ating bayan.
Lagi kong sinasabi: hindi ako nagpayaman sa posisyon ko sa gobyerno. Ang Mayor ninyo dito sa Baguio, sweldo lang ang inuuwi, at hindi pera ng taumbayan. Patunay dito ang nilagdaan kong waiver na nagbibigay permiso sa kahit sino na makita ang mga ari-arian ko sa City Assessor's Office.
Nagsalita na ang Baguio at ang resulta ng Halalan 2025 ay malinaw: ang mga pag-atake sa ating integridad at ang pagkalat ng maling impormasyon ay tinanggihan ng ating siyudad. Sa mga mamamayan ng Baguio, nagpapasalamat kami sa inyong pagkilala sa katotohanan at sa pagtindig ninyo sa panig ng katotohanan.
Bilang inyong lingkod bayan, nangangako ako na itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng katapatan. Hindi namin papayagan ang pagkalat ng maling impormasyon at propaganda na nais sirain ang karakter at pag-unlad ng ating lungsod.
Manatili tayong maging mapagmatyag at hilingin ang katotohanan mula sa mga naghahangad na mamuno. Magtutulungan tayo upang makabuo ng mas maliwanag na kinabukasan para sa Baguio, gabay ang mga prinsipyo ng integridad, pananagutan, at mabuting pamamahala.
Ang katotohanan ay nanaig, at patuloy itong magiging gabay natin.
BENJAMIN B. MAGALONG
Public Servant