04/08/2026
𝗞𝗼𝗼𝗿𝗱𝗶𝗻𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻, 𝗞𝗮𝘂𝗻𝗹𝗮𝗿𝗮𝗻, 𝗮𝘁 𝗠𝗮𝗯𝘂𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮, 𝗧𝗮𝗺𝗽𝗼𝗸 𝘀𝗮 𝗜𝗸𝗮-𝟯𝟬 𝗣𝗮𝗻𝗴𝗸𝗮𝗿𝗮𝗻𝗶𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗦𝗲𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗦𝗮𝗻𝗴𝗴𝘂𝗻𝗶𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻
𝗦𝗕 𝗦𝗲𝘀𝘀𝗶𝗼𝗻 𝗛𝗮𝗹𝗹, 𝗕𝗼𝗮𝗰, 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗻𝗱𝘂𝗾𝘂𝗲 | Pinangunahan ni Vice Mayor Kuya Mark Seño, bilang Presiding Officer, ang Ika-30 Pangkaraniwang Sesyon ng 12th Sangguniang Bayan ng Boac, kung saan tinalakay ang iba't ibang panukala, resolusyon, ordinansa, at iba pang mahahalagang usapin na nakatuon sa pagpapaunlad ng lokal na pamahalaan at pagpapabuti ng serbisyong pampubliko para sa mga Boakeño.
Sa ilalim ng Privilege Hour, inihain ni Hon. Wilson W. Mabute ang isang resolusyon na taimtim na humihiling sa Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP), sa pakikipag-ugnayan sa Project Coordinator, na agarang magsagawa ng teknikal na pagsusuri at isakatuparan ang kinakailangang rehabilitasyon sa mga bahaging napinsala ng masamang panahon sa Cawit-Tugos Farm-to-Market Road. Layunin ng panukalang ito na maibalik ang maayos at ligtas na daanan para sa mga magsasaka, motorista, at mga residente na umaasa sa naturang kalsada bilang mahalagang ruta ng transportasyon at kalakalan.
Sa Reference of Business and First Reading, isinangguni sa kaukulang komite ang liham ni Municipal Nutrition Officer Giselle Pearl A. Olympia na humihiling ng pagpasa ng isang resolusyon na magbibigay ng kapangyarihan sa Local Chief Executive na lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Boac at ng Department of Education Schools Division of Marinduque para sa pagpapatupad ng programang Health and Education for Active Learners. Inaasahang higit nitong mapapalakas ang pagtutulungan ng dalawang institusyon sa pagsusulong ng kalusugan at edukasyon ng mga mag-aaral sa bayan.
Isinangguni rin sa komite ang komunikasyon mula sa mga Municipal Department Heads kaugnay ng Non-Enactment of the Appropriation Ordinance for Supplemental Budget No. 1, Fiscal Year 2026, upang mabigyan ng masusing pag-aaral at kaukulang rekomendasyon.
Kasabay nito, isinailalim sa unang pagbasa ang iba't ibang ordinansa at mga usaping pinagtibay ng mga barangay ng Maybo, Duyay, Buliasnin, Amoingon, Tabigue, at Sabong, kabilang ang mga panukalang may kaugnayan sa pagbubuwis, pangangalaga sa kalikasan, paggamit ng mga pampublikong pasilidad, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, regulasyon sa videoke, liquor ban, curfew para sa mga menor de edad, burial assistance para sa mga indigent na pamilya, at iba pang hakbang na naglalayong mapabuti ang pamamahala at kalidad ng serbisyo sa antas ng barangay.
Tinanggap din ng Sanggunian ang mga Supplemental Budget ng mga Barangay Sawi, Amoingon, Mahinhin, at Lupac, gayundin ang Annual Budget ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Santol at Supplemental Budget ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Mataas na Bayan, bilang bahagi ng regular na proseso ng pagsusuri at pag-apruba sa mga lokal na pananalapi.
Sa bahagi ng Committee Reports, inaprubahan ng Sanggunian ang ulat ng Joint Committee on Finance, Budget and Appropriations at Committee on Barangay Affairs kaugnay ng Supplemental Budget No. 1 ng Barangay Ihatub at Supplemental Budget No. 2 ng Barangay Apitong. Inilahad din ang En Banc Committee Report na nagrerekomenda ng pagpapatibay sa isang resolusyong sumusuporta sa mga Inclusive Partnerships for Agrarian Reform Communities (IPARC) Projects ng Department of Agrarian Reform (DAR), bilang pagkilala sa kahalagahan ng mga programang magpapalakas sa kabuhayan at pag-unlad ng mga agrarian reform communities sa Bayan ng Boac.
Samantala, sa Business for the Day, isinailalim sa Ikalawang Pagbasa ang SB Bill No. 2025-300, na inakda ni Hon. Gilmer R. Manguera at co-introduced ni Hon. Luisito S. Laylay. Nilalayon ng panukalang ordinansa na obligahin ang lahat ng national government agencies, tanggapan, at government-owned and controlled corporations na makipag-ugnayan muna sa Lokal na Pamahalaan ng Boac sa lahat ng yugto ng pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto sa loob ng munisipalidad. Sa pamamagitan nito, higit na mapatitibay ang koordinasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan at matitiyak na ang bawat programang ipatutupad ay naaayon sa mga prayoridad at pangangailangan ng mga mamamayan ng Boac.
Patuloy na nagsisilbing mahalagang plataporma ang mga regular na sesyon ng Sangguniang Bayan sa pagtalakay ng mga polisiya, programa, at panukalang naglalayong isulong ang responsableng pamamahala, maayos na paggamit ng pondo ng bayan, at mga inisyatibong magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa bawat Boakeño.