04/07/2014
CASANGGA ADVISORY
Coalition of Active Students Aiming for Noble and Genuine Governance in Action
(Since 2009)
Magandang araw mga CASANGGA!
Pauna na ang aming pasasalamat sa anim na taong walang humpay na pagsuporta sa ating partido-pamilya na naglalayong ipaglaban ang karapatan at responsibilidad ng mga mag-aaral sa pamantasan.
Sa nalalapit na BUSSC Election SY 2014-2015, maraming katanungan ang umiikot sa pamantasan hanggang sa mga social networking sites tulad ng Facebook. Sino nga ba ang bagong tatayong Pangulo ng CASANGGA? Nakapag-file na ba sila? Sinu-sino ang mga bagong mukha? Mga bagong CASANGGA?
Mahirap man po sa kalooban namin, ngunit minabuti po ng partido-pamilya CASANGGA na hindi muna makilahok sa nalalapit na halalang ito sa pamantasan.
Nais ng CASANGGA ang kabutihan ng mga mag-aaral sa pamantasan, humubog ng mga estudyanteng-lider na mangunguna para ipaglaban ang karapatan ng mga mag-aaral, magsilbing inspirasyon, humubog sa talento at kakayahan ng mga simpleng mag-aaral at maging lakas ng pwersa mag-aaral. Ngunit nakalulungkot na tila may mga iilang estudyanteng-lider na ang nais ay pansariling interes lamang, maging popular at sunud-sunuran sa kung anong itinatakda ng nakatataas sa kanila.
Hindi ito ang nais ng CASANGGA, malayo sa mga plataporma at repormang ating ipinaglalaban, kung kaya`t mas minabuti natin na ihanda nang mas maiigi ang ating mga estudyanteng-lider mula sa ating partido-pamilya at ituro sa kanila ang tama, SERBISYO MUNA BAGO ANG SARILI.
Naniniwala tayo na sa paraang ito, matatatanto ng mga mag-aaral kung ano at paano nga ba maging isang tunay na lider, at hindi lamang lider, ngunit isang servant-leader.
Dalangin ng partido-pamilyang ito ang maayos, aktibo, pantay at makatotohanang halalan na siyang magiging daan upang mapaglingkuran nang tunay at tapat ang mga mag-aral, g**o at ang buong pamantasan.
Hanggang sa muli mga CASANGGA!
Dahil basta`t sama-sama, kayang-kaya, pamilyang CASANGGA!
CASANGGA AKo (ALUMNI KOMYUNITI)