03/06/2026
ALAMIN ANG RA NO. 12022!
Bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa mga online scam at iba pang uri ng panloloko, isinusulong ng Philippine National Police ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 12022 o Anti-Financial Account Scamming Act. Layunin ng batas na protektahan ang publiko laban sa mga financial account scam, phishing, smishing, money mule schemes, at iba pang mapanlinlang na gawain na gumagamit ng mga digital platform at financial accounts.
Sa pamamagitan ng information dissemination at public awareness campaigns, hinihikayat ang mamamayan na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng kanilang mga bank account, e-wallets, at iba pang financial platforms. Ang batas na ito ay nagbibigay ng mas mabigat na kaparusahan sa mga sangkot sa financial scams at nagpapatibay sa koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at financial institutions upang mabilis na matukoy, maimbestigahan, at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.
Patuloy na paalala sa publiko na maging mapagmatyag sa mga kahina-hinalang mensahe, tawag, at online transaksyon upang maiwasang mabiktima ng mga manloloko. Sama-sama nating labanan ang financial scams para sa isang ligtas at mapagkakatiwalaang digital na komunidad.