19/07/2025
Paghirot kita
EASTERN VISAYAS, MAGHAPONG NAKARANAS NG MAKULIMLIM AT MAULANG PANAHON BUNSOD NG TROUGH NG BAGYONG CRISING
Nabalot ng makakapal na kaulapan ang malaking bahagi ng bansa ngayong araw dahilan sa lawak ng Tropical Depression at ng pinalalakas nitong habagat.
Dahil rin sa trough ng bagyo, patuloy ang pagkakabalot ng kaulapan na sinasabayan ng malalakas na buhos ng ulan sa malaking bahagi ng Silangang Visayas.
Itinaas ngayong alas-5:00 ng hapon ang Yellow Rainfall Warning sa mga lalawigan ng Eastern Samar, Samar, Leyte, Biliran, at Southern Leyte. Inaasahan ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa mga naturang lugar sa loob ng susunod na dalawang oras. Samantala, moderate to heavy rains ang patuloy na nararanasan sa Northern Samar, na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, napanatili ng bagyong CRISING ang lakas nito habang papalapit sa Hilagang Luzon. Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA ngayong alas-5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 335 kilometro hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes o 545 kilometro silangan ng Baler, Aurora. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 km/h at bugso na 70 km/h, ito ay kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h.
Inaasahang bahagyang lalakas pa ito ngayong gabi at posibleng maging isang Tropical Storm. Kung hindi magbabago ang tinatahak na direksyon, posibleng mag-landfall ito sa mainland Cagayan bukas. Sa hapon ng Sabado naman ito inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Bagamat malayo ang sentro ng bagyo sa Silangang Visayas, ramdam pa rin sa rehiyon ang malalakas na pag-ulan na may kasamang bugso ng hangin dahil sa buntot o trough nito. Ayon sa 24-hour rainfall forecast ng PAGASA, inaasahang 50 hanggang 100 milimetro ng ulan ang maaaring bumuhos sa mga lalawigan ng Northern Samar, Samar, at Eastern Samar hanggang bukas ng hapon.
Bukod sa pag-ulan, hindi rin magiging maganda ang kondisyon ng karagatan. Aabot sa dalawang metro ang taas ng alon sa silangang baybayin ng Northern at Eastern Samar. Pinapayuhan ang mga mangingisda at manlalayag na gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.
Patuloy na makinig at tumutok sa mga opisyal na ulat-panahon. Maging mapagmatyag at manatiling ligtas ang lahat.