05/07/2026
Paalala po❗️📢📢📢
BASAHIN: Posibleng magtaas na ang PAGASA ng Tropical Cyclone Wind Signals sa ilang bahagi ng Northern Luzon sa Martes, Hulyo 7, kahit hindi pa nakapapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang international name na Bavi, na tatawaging Inday kapag nasa loob na ng PAR.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil, may posibilidad na umabot ang lakas ng bagyo sa antas ng Super Typhoon Yolanda kung magpapatuloy ang paglakas nito habang nasa karagatan. Gayunman, sa kasalukuyang pagtaya, hindi ito inaasahang direktang tatama sa Pilipinas.
Sa halip, inaasahang daraan ito malapit sa Extreme Northern Luzon patungong Taiwan, kung saan posible ring maranasan ng Batanes ang malalakas na hangin at hindi inaalis ang posibilidad ng pagtataas ng Signal No. 4, depende sa magiging galaw ng bagyo.
Palalakasin din ng bagyo ang Habagat, na maaaring magdulot ng malalakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa mga susunod na araw.
Ayon sa PAGASA Tropical Cyclone Formation Outlook na inilabas 4:00 AM, Hulyo 5, 2026, si Super Typhoon “BAVI” ay huling namataan sa layong humigit-kumulang 2,710 km silangan ng Eastern Visayas. May lakas ng hanging aabot sa 195 km/h at pagbugso na hanggang 240 km/h. Kumikilos pakanluran (westward) sa bilis na 15 km/h
Patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang galaw ng bagyo at pinapayuhan ang publiko na sundin ang mga opisyal na weather bulletin dahil maaari pang magbago ang forecast.