12/04/2026
“Serbisyo Caravan matagumpay na naihatid sa mga dating Rebelde”
Echague, Isabela — Matagumpay na nagsagawa ang 502nd Infantry (LIBERATOR) Brigade, sa pamumuno ni BGEN RHODERICK L PARALLAG PA katuwang ang Task Force Balik-Loob (TFBL) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ng isang one-stop Serbisyo Caravan noong Abril 10, 2026 sa Sitio Kasisiitan, Brgy. Minanga. Layunin ng aktibidad na maghatid ng mahahalagang serbisyong panlipunan, medikal, at pangkabuhayan sa 166 dating rebelde na tinutukoy bilang Former rebels (FRs) at 56 nilang kapamilya, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan, pagbangon, at reintegrasyon. Pinangunahan ang aktibidad ni Undersecretary for Defense Affairs at TFBL Chairperson, MGEN ANGELITO M. DE LEON (RET) AFP.
Nagkaloob ang mga ahensya ng komprehensibong tulong kabilang ang suportang pang-agrikultura na 2,000 punla ng puno mula sa DENR Region II at 350 pakete ng binhi handog ng Department of Agriculture, serbisyong pangkalusugan (medikal, dental, laboratoryo, at tuli) isinagawa ng mga Doktor galing 5ID Station Hospital at Rural Heath Unit – San Mariano, Isabela, at tulong pinansyal kaloob ng DSWD kung saan 60 benepisyaryo ang tumanggap ng tig-Php 5,000. Naitawid din ang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan gaya ng pag-isyu ng 231 PhilHealth ID, 45 National ID galing sa PSA, at pagproseso ng mga dokumentong sibil. Bukod dito, nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng gamot, food packs, damit, tsinelas mula sa NICA 2 at iba pang pangunahing pangangailangan mula sa mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan ng San Mariano.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Usec. De Leon ang mga FRs sa kanilang pagpili sa landas ng kapayapaan at binigyang-diin ang kanilang mahalagang papel sa pagbuo ng bansa at komunidad sa pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan at matagumpay na reintegrasyon ng mga Former Rebel (FR) tungo sa isang ligtas at maunlad na lipunan.
“Ang kapayapaan ay hindi lamang nakakamit sa pagtatapos ng labanan, kundi sa pagpapanumbalik ng buhay, muling pagbubuo ng tiwala, at pagtitiyak na ang bawat isa ay may kinabukasang karapat-dapat ipagtanggol.”
Sa pagtatapos, patuloy ang panawagan ng kasundaluhan sa mga natitira pang mga armado na bukas ng pintuan ng 502IBde upang sila ay tulungan at makapagbagong buhay katuwang ang kanilang pamilya.
Jaylord ManaligodDecrisy B Telan95IB Salaknib, 5ID, PA86th Infantry "Highlander" Battalion, 5ID, PA5th Infantry "Star" Division, Philippine ArmyNorthern Luzon Command, AFP