16/09/2026
OPISYAL NA PAUNAWANG PAMPUBLIKO (PUBLIC ADVISORY)
PARA SA LAHAT NG MAMAMAYAN AT KABATAAN NG BARANGAY PANGAL NORTE:
Ipinababatid ng Pamahalaang Barangay ng Pangal Norte, Echague, Isabela na matagumpay at maayos na idinaos ang isang opisyal na dayalogo noong Setyembre 11, 2026 upang bigyang-linaw ang mga usaping kumalat sa social media patungkol sa pamamahagi ng Bawat Bayan Makikinabang(BBM) Scholarship Program.
Layunin ng pagpupulong na ito na pawiin ang anumang pagdududa, itaguyod ang buong katapatan (transparency), at patunayan ang integridad ng pamunuan sa pagpili ng mga karapat-dapat na benepisyaryo.
Upang masiguro ang patas, legal, at maayos na proseso, personal na sumaksi at dumalo ang mga sumusunod na opisyal:
Mr. Nestor Camacam, kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Hon. Dante Halaman, Pangalawang Pangulo ng Liga ng mga Barangay ng Echague.
Sa harap ng kinatawan ng DILG at Liga ng mga Barangay, napatunayan sa pamamagitan ng mga kaukulang tala at opisyal na dokumento na dumaan sa tama, patas, at legal na alituntunin ang pagpili sa mga mag-aaral na nakatanggap ng scholarship. Naipaliwanag nang buong-husay ng pamunuan ang bawat usapin, at malinaw na napagkasunduan ng lahat na walang naganap na iregularidad sa nasabing programa.
Dahil sa mga hindi beripikadong post at walang basehang akusasyon sa social media na nagbunsod ng pagkasira ng tiwala ng publiko (public mistrust) sa mga Opisyal ng Barangay, gayundin ng matinding kahihiyan at emosyonal na pasakit (emotional damage) sa mga inosenteng pamilya at benepisyaryong nadamay, pormal na napagkasunduan ng Pamunuan ng Barangay, kalakip ang pag-apruba at pagsang-ayon ni ng DILG, na ang nag pasimunong mag post ay inaatasan na maglabas ng kanyang Opisyal na Publikong Paghingi ng Tawad (Public Apology).
Ang nasabing public apology ay nararapat iharap para sa mga Opisyal at Pamahalaang Barangay ng Pangal Norte, upang ituwid ang mga akusasyong sumira sa tiwala ng taumbayan at nagdulot ng pagdududa sa katapatan at kredibilidad ng kanilang panunungkulan at sa pamilya ng mga benepisyaryo, na labis na nasaktan, napahiya, at naapektuhan ang dangal dahil sa mga naturang online post.
Bukas ang Pamahalaang Barangay sa maayos at makatarungang pakikipagtalastasan, subalit mananatili itong matatag sa pagprotekta sa dangal ng mga lingkod-bayan, sa kapakanan ng bawat mamamayan, at sa kapayapaan ng ating komunidad.
Maraming salamat po sa inyong pang-unawa at patuloy na pakikiisa.