21/12/2025
Sanggunian ng Basilan, Inaprubahan ang ₱2.37-B Provincial Budget para sa 2026
ISABELA CITY, Basilan — Unanimously na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Basilan ang Provincial Budget para sa Fiscal Year 2026 na nagkakahalaga ng ₱2,373,849,874.00 sa isinagawang 21st Session ng 17th Sangguniang Panlalawigan noong Disyembre 17, 2025 sa SP Hall ng Provincial Capitol, Isabela City.
Ang sesyon ay pinangunahan ni Vice Governor Jim Hataman Salliman at dinaluhan ng mga miyembro ng sanggunian pati na rin ng mga department heads ng pamahalaang panlalawigan.
Pinangunahan ni Board Member Nasser Salain ang paghahain ng Draft Ordinance No. 2025-23, na nagbibigay-awtoridad sa Annual Budget ng Provincial Government of Basilan para sa 2026. Matapos ang deliberasyon, ito ay unanimously approved ng mga miyembro ng sanggunian.
Kasama rin sa mga inaprubahang agenda ang PDC Resolution No. 02-2025, na nag-aapruba sa Annual Investment Program (AIP) para sa FY 2026 na may kabuuang pondo na ₱2.37 bilyon, at ang PDRRMC Resolution No. 03-2025, na naglalaan ng 5% Local Disaster Risk Reduction and Management Fund na nagkakahalaga ng ₱118,692,493.70.
Nagpasalamat si Governor Mujiv Hataman sa Sangguniang Panlalawigan sa maagap at maayos na pagpasa ng budget at tiniyak ang responsableng paggamit ng pondo ng lalawigan.
“Nagpapasalamat ako sa Sangguniang Panlalawigan sa kanilang suporta at kooperasyon. Sisiguraduhin namin na ang pondo ng lalawigan ay gagamitin nang maingat, wasto, at may pananagutan para sa mas maayos na paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan,” pahayag ni Governor Hataman.
Ayon sa gobernador, ang aprubadong budget ay magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng lalawigan na nakatuon sa kalusugan, social services, imprastraktura, disaster preparedness, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga Basileño.
--
[Ang Provincial Government ng Basilan ay maglalabas ng breakdown ng 2026 budget para sa transparency sa mga susunod na araw.]