23/07/2026
Mga senior citizen sa Glan, masayang tinanggap ang kanilang social pension
Glan, Sarangani Province – Sa kabila ng mga pagsubok na idinulot ng lindol at pagbaha sa bayan ng Glan, nananatiling matatag at puno ng pag-asa ang mga senior citizen na masayang tinanggap ang kanilang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XII sa ilalim ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens.
Isa sa mga benepisyaryo si Estrella Pasaporte, 72 taong gulang mula sa Barangay Baliton, Glan, na taos-pusong nagpahayag ng pasasalamat sa tulong na kanyang natanggap. Aniya, malaking ginhawa ang social pension dahil magagamit niya ito sa pagbili ng bigas at iba pang pangunahing pangangailangan. Ibinahagi rin niya na sa pamamagitan ng masustansyang pagkain ay nananatili siyang malusog at wala pa siyang iniinom na maintenance na gamot.
Si Lola Estrella ay isa lamang sa libu-libong mga nakatatandang benepisyaryo sa Glan na patuloy na nakikinabang sa programa. Sa gitna ng mga hamong dulot ng kalamidad, nagsisilbing mahalagang suporta ang social pension upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at mapanatili ang kanilang dignidad at kagalingan.
Patuloy na isinusulong ng DSWD Field Office XII ang Social Pension Program alinsunod sa Republic Act No. 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, na inamyendahan ng Republic Act No. 11916, bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mahalagang ambag ng mga nakatatandang Pilipino sa lipunan.
♥️