04/12/2025
UNIFIED 911 RESPONSE: BOHOL STABBING INCIDENT NA-RESPONDEHAN NG CALAPE PULIS SA LOOB NG APAT NA MINUTO
Patuloy na ipinapakita ng Philippine National Police, sa pamumuno ni Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang bisa at lakas ng pinag-isang Unified 911 emergency response system matapos ang mabilis na aksyon ng pulisya sa Calape, Bohol.
Noong gabi ng Nobyembre 30, 2025, isang tawag sa unified 911 ang nag-ulat ng pananaksak sa Purok 6, Catmonan, Calape, na agad na nirespondehan ng Calape Municipal Police Station sa ilalim ng Bohol Police Provincial Office. Nareceive ang tawag ganap na 9:20 PM, na nag-activate ng Quick Response Protocol ng Police Regional Office 7 (PRO7).
Sa loob lamang ng apat na minuto, nakarating na sa lugar ang mga rumespondeng pulis—patunay ng kahandaan ng ating PRO7 para sa mabilis at life-saving police operations sa Central Visayas.
Pagdating sa lugar, nakita ng mga pulis ang biktimang walang malay habang naroon pa rin sa paligid ang suspek. Mabilis na kumilos ang mga pulis at mapayapang inaresto ang suspek nang walang anumang pagtutol. Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang insidente mula sa personal na alitan kaugnay ng umano’y relasyon ng biktima sa asawa ng suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang isinasapinal ang kaukulang kaso laban sa kanya.
Pinuri ni Acting Chief PNP PLTGEN Nartatez ang mabilis na aksyon ng mga rumespondeng pulis at binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na emergency response.
“This incident shows the real value of a unified 911 system—isang tawag lang, may mabilis at maaasahang responde,” ani PLTGEN Nartatez. “Our personnel acted with speed, discipline, and professionalism, ensuring that the situation was handled safely and effectively.”
Binanggit rin niya ang patuloy na pagpapalakas ng PNP sa kakayahan nitong tumugon sa mga insidente sa buong bansa.
“Patuloy nating pinapalakas ang ating mga proseso at teknolohiya para mas mabilis at maayos ang ating operasyon,” dagdag pa niya. “Nandito ang PNP para magbigay ng serbisyong tunay na maaasahan sa oras ng pangangailangan.”
Muling pinagtibay ng PNP ang pagtutok nito sa proactive, maaasahan, at community-centered policing. Ang matagumpay na pagresponde na ito gamit ang nationwide emergency hotline ay lalong nagpapatibay sa direksyong itinakda ng Department of the Interior and Local Government, kung saan ang Unified 911 program ni SILG Juanito Victor “Jonvic” Remulla ay kabilang sa kanyang flagship initiatives para patatagin ang public safety at emergency response sa buong bansa.
(PNP-PIO)