11/04/2026
4 TIMBOG SA CATANDUANES; 792 LITRO NG GASOLINA NAKUMPISKA SA ENTRAPMENT OPERATION NG PRO 5
Apat na indibidwal ang naaresto habang tinatayang nasa 792 litro ng gasolina ang nasamsam sa magkahiwalay na entrapment operations laban sa ilegal na pagbebenta ng gasolina na isinagawa ng Police Regional Office 5 (PRO 5) nitong Abril 10, 2026 sa probinsya ng Catanduanes.
Sa bayan ng Viga, dakong alas-8:16 ng umaga, naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Ana” at “Ed” sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit (PIU) bilang lead unit at Viga MPS. Nakumpiska sa naturang operasyon ang humigit-kumulang 642 litro ng petroleum products na may kabuuang halagang Php 53,286.00.
Samantala, dakong alas-10:35 ng umaga, dalawa pang indibidwal ang naaresto sa bayan ng Caramoran sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PIU bilang lead unit, Caramoran MPS, at Bureau of Fire Protection Caramoran.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang plastic bottle na naglalaman ng humigit-kumulang 3.75 litro ng gasolina na ginamit bilang object of sale na may halagang Php 500.00; tatlong bote na may tig-3 litro ng gasolina; isang drum container na naglalaman ng humigit-kumulang 70 litro ng gasolina; at limang galon na naglalaman ng tinatayang tig-4 litro ng gasolina. Sa kabuuan, umabot sa humigit-kumulang 150 litro ng gasolina ang nakumpiska na may kabuuang halagang Php 16,500.00.
Lahat ng naarestong indibidwal ay ipinaalam ang kanilang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine sa wikang kanilang naiintindihan. Sila ay dinala sa himpilan ng pulisya kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o ang ilegal na pagbebenta ng gasolina.
Ayon kay PBGEN Erosito N Miranda, Regional Director, PRO 5, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na pagbabantay ng kapulisan laban sa mga ilegal na gawain na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
“Ang ilegal na pagbebenta at hindi wastong pag-iimbak ng gasolina ay hindi lamang nagdudulot ng seryosong banta sa kaligtasan ng ating mga komunidad, kundi nagkakaroon din ng negatibong epekto sa lokal na ekonomiya, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon upang masugpo ang ganitong uri ng ilegal na aktibidad at mapanagot ang mga lumalabag sa batas,” ayon kay PBGEN Miranda.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko sa pagbibigay ng impormasyon upang agad na matugunan ang mga ganitong uri ng paglabag.
Muling tiniyak ng PRO 5 ang kanilang patuloy na pagsasagawa ng intelligence-driven at law enforcement operations sa ilalim ng PNP Focused Agenda, upang mapanatili ang kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan sa rehiyon.
Philippine National Police
Camarines Norte Police Provincial Office - Pulis Bantayog
Camarines Sur Police Provincial Office - The Home of Kaogma Cops
Albay Police Provincial Office
Catanduanes Police Provincial Office
Naga City Police Office
Masbate Police Provincial Office
Sorsogon Ppo