18/06/2026
HIGHEST COA RATING, NAKAMIT NG LUNGSOD NG LIPA!
Isang karangalan para sa Lungsod ng Lipa, sa pangunguna ni Mayor Eric Africa, na makatanggap ng Unmodified/Unqualified Opinion mula sa Commission on Audit (COA), ang highest COA rating na maaaring ibigay sa financial statements ng isang ahensya ng pamahalaan.
Ang Unmodified/Unqualified Opinion ay nangangahulugang nakita ng COA na ang financial statements ng Pamahalaang Lungsod ng Lipa ay naipakita nang patas, maayos, at alinsunod sa pamantayan ng government accounting. Ibig sabihin, mapagkakatiwalaan ang ulat-pinansyal ng Lungsod at walang nakitang material misstatement na makaaapekto sa kabuuang pagtingin sa kalagayan ng pondo ng pamahalaan.
Higit pa sa pagkilala sa papel at numero, ito ay patunay ng maingat, mahusay, at responsableng pangangasiwa ng pondo ng mamamayan. Sa ilalim ng prinsipyo ng transparency, accountability, at good financial governance, patuloy na sinisiguro ng Pamahalaang Lungsod ng Lipa na ang bawat pisong ipinagkakatiwala ng taumbayan ay pinapahalagahan at napapakinabangan ng mga Lipeño sa anyo ng mga programang may saysay, proyektong ramdam, at serbisyong may malasakit.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang dedikasyon, integridad, at mahusay na pagtupad sa tungkulin ng bawat kawani at opisyal ng ating lokal na pamahalaan. Mas pinagtitibay nito ang tiwala na ang pondo ng bayan ay pinangangasiwaan nang may disiplina, pananagutan, at malinaw na layuning makapaghatid ng de-kalidad at makabuluhang serbisyo publiko.
Patuloy nating paiigtingin ang mabuting pamamahala at pagsusulong ng mga programang magbibigay ng positibong pagbabago, mas matatag na serbisyo, at tunay na kaunlaran para sa bawat Lipeño.
Ito ay iginawad ng OIC-Audit Team Leader Ms. Guia Mhel Canary kasama ang City Accountant Ms. Maria Belen Villanueva.