13/05/2026
SARA, PANAGUTIN! BATO, ARESTUHIN!
Habang umuusad ang impeachment laban kay Sara Duterte at umiinit ang usapin kay Ronald โBatoโ dela Rosa matapos lumabas ang ulat na may warrant of arrest mula sa ICC kaugnay sa war on drugs, mas lalong lumilitaw ang malalim na bangayan sa loob ng naghaharing-uri. Ipinapakita nito na ang kasalukuyang krisis ay hindi simpleng usapin ng hustisya, kundi bahagi ng pag-aagawan ng kapangyarihan ng mga makapangyarihang paksyon ng estado.
Sa isang banda, ginagamit ng kampo ni Sara Duterte ang Senado para protektahan ang sarili at harangin ang pananagutan sa iba pang isyu ng abuso sa kapangyarihan. Makikita ito sa mga galawan sa loob ng Senado tulad ng agawan at pagpapalit ng liderato sa posisyon ng Senate President, mula kay Tito Sotto patungo kay Alan Peter Cayetano na isang kaalyado ng Duterte, na nagpapakita ng realignment at pagbabago ng kontrol sa mayorya sa Senado. Kasama rin dito ang pagbibigay ng proteksyon kay Bato imbes na hayaang managot at humarap sa mga kaso at imbestigasyon na kinakaharap niya.
Sa kabilang banda, sinusubukan ng administrasyong Marcos na ipakita na sinusunod nila ang โrule of lawโ habang hinahayaan o kinukunsinti ang mga galaw na may kinalaman sa ICC at sa impeachment process. Hindi ito simpleng usapin ng hustisya lamang. Bahagi ito ng banggaan ng magkakaibang paksyon ng naghaharing uri na parehong nag-aagawan at gustong manatili sa kapangyarihan bago ang 2028 elections.
Mahalagang tandaan na hindi ibig sabihin na malinis ang kabilang paksyon dahil lang iniimbestigahan ang Duterte bloc. Ang dapat tingnan ay kung bakit ngayon lamang umuusad ang usapin ng pananagutan, kasabay ng pagkawatak-watak ng dating alyansa ng mga nasa kapangyarihan. Kaya sa ganitong pagsusuri, malinaw na ang timing ng mga hakbang na ito ay hindi hiwalay sa pulitika, kundi bahagi ng umiigting na banggaan sa loob ng naghaharing-uri.
Malinaw na sariling interes lamang ang sinusulong ng mga reaksyunaryong ito, imbes na tugunan ang lumalalang krisis sa kabuhayan, trabaho at edukasyon. Kaya naman, patuloy na panawagan ng mga kabataan ng National Capital Region โ Sara, Panagutin! Bato, Arestuhin! Labanan ang bulok na sistema!