12/12/2021
Sa gitna ng pagluwag ng restriskyon at banta ng Omicron variant, pagkilos ng mamamayan ang tunay na pag-asa
Nitong nakaraang Nobyembre 5, inilagay ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 2 ang National Capital Region, wala pang isang buwan mula nang idineklarang Alert 3 noong Oktubre 16. Sa Alert Level 3 pinayagan na ang pagbubukas ng sinehan at mga pampublikong atraksyon kasama na dito ang mga venue para sa mga okasyon kagaya ng kasal atbp. Sa alert level 2, wala nang restriksyon sa paglabas ang mga menor de edad.
Sa naging kondukta ng pagluwag ng restriksyon, walang naging malinaw na gabay sa paglabas ng mga menor de edad at mga bata. Nakakabahala din ang mga hindi bakunadong mga menor de edad na gumagala sa mga malls ay posibleng magkalat ng virus. Pinag-isipan din na ibaba agad sa Alert Level 1 ang Metro Manila kahit na hindi pa natatapos ang national vaccination program sa puntong iyon.
Ang pagmamadaling makabalik sa ‘normal’ ay tila isang biglang pihit mula sa halos dalawang taong mahigpit na restriksyon at militaristang tugon. Tinagurian na nga ang bansa na nagpatupad ng pinak**ahabang lockdown sa buong mundo. Kaya hindi maiwasang maging usap-usapan na ng karaniwang mamamayan na tila halalan ang solusyon sa pandemya. Saktong kinakailangang pataasin ang napakababang ratings ng administrasyong Duterte sa mga sarbey; at kailangan ang luwag para makapangampanya ang mga kandidato. Kaya naman kasabay ng pagdumog ng tao sa mga malls at maging sa kontrobersyal na dolomite beach, nagsimula na rin ang pag-iingay at pagtitipon ng mga volunteers ng mga kumakandidato sa pagkapangulo.
Sa gitna ng ganitong mga pagbabago sa bansa, natuklasan ang bagong variant ng COVID19 na tinawag na 'omicron variant' mula sa bansang South Africa. Sa puntong ito, nakumpirma na din na kalat ang variant na ito sa hindi bababa na 15 na bansa. Nagpataw ng travel ban sa ilang mga bansang nagtala ng local infection. Hindi naman nakakapagtaka na magsabi ang ibang mga kababayan natin na hindi sapat ang border control na ito laluna’t sa naging rekord ng pagtugon ng gobyerno sa umpisa ng pandemya, huli na nang maghigpit sa pagpasok ng international flights kahit mula sa bansang Tsina habang ang mga karaniwag mamamayang Pilipino ang nahihirapan sa mga ipinataw na quaragntine protocols.
Sinabi ng World Health Organization na kagaya na lamang sa pagharap sa delta variant, kailangang ang pagpapatuloy at pagpapaunlad sa pagmomonitor ng pamahalaan sa pagkalat ng mga variants sa bansa. Subalit hindi naman naipapatupad ang malawakang libreng testing; at dahil na rin sa mababang antas ng agham at teknolohiya, iisa lamang ang pasilidad na ginagamit ng pamahalaan para sa genome sequencing na kailangan para sa pagtukoy sa iba’t ibang variants.
Marapat lamang ang ginagawang sentralisadong pagbabakuna subalit ang totoo’y hindi ito sapat. Hindi pa rin masusuri kung gaano kabilis at kalala ang pagkalat ng bagong variant. At kung titingnan din ang inaabot mismo ng pagbabakuna, nasa 46% pa lamang ng kabuuang populasyon ang naturukan mula nang magsimulang rumolyo ito. Napag-iiwanang higit ang mga naninirahan sa mga probinsya. Kaya hindi maiwasan ang mga agam-agam sa gitna ng pagluwag ng ekonomiya dahil wala pa sa mayorya ng populasyon ang may bakuna. Maagang bahagi pa lamang ng taon pinuna na ang mababang badyet na inilaan ng pamahalaan para sa bakuna at mga kinakailangan para maisagawa ito kagaya na lamang ng vaccinators atbp. Pinapataas ang posibilidad ng mutations o pagbabago sa virus ang mabagal na antas ng pagbabakuna kaya nagkakaroon ng mga bagong variants kaya napakahalaga na mabukanahan ang pinak**araming bilang ng populasyon.
Sa gitna ng krisis, ano nga ba ang naging pagtaas ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan? Kinaltasan ang badyet sa kalusugan sa gitna ng pandemya nang di bababa sa 50% sa dati nitong halaga. Habang ginamit naman ang Php10.3-billion na natirang pera mula sa Bayanihan 1 sa imprastraktura. Nakuhang maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng swimming pools, convention center, at cruise ship port sa gitna ng kakulangan sa ayuda.
Dito sa Gitnang Luson, mahigit kalahati ng kabuuang bilang ng mga ospital ay kontrolado ng pribadong sektor. Salamin lamang ng pangkabuuang estado ng sistemang pangkalusagan ng bansa, na matagal nang pinapabayaan at nasa hulihan ng prayoridad ng gobyerno at pinagkakakitaan ng iilan.
Napabayaan ang sahod at mga benepisyo ng mga health workers na pumasan sa pagsugpo sa virus. Sukdulang sabihin ng pangulo na magpulis na lamang sila kung talagang gusto nila ang mataas na sahod. Pinukol din ng kritisismo ang administrasyon dahil inuna pang isipin pagpapagawa ng memorial sa halip na unahin ang nararapat na kompensasyon ng mga manggagawang pangkalusugan.
Para matiyak na makamit ng bawat Pilipino ang kalusugan bilang karapatan kailangang matiyak din na naisusulong ang karapatan sa kabuhayan, paninirahan, at maayos na kapiligiran. Ang mga mapagpasyang panlipunang salik na ito ang ilan lamang sa mga batayan para matamasa ng mamamayan ang kumpletong pisikal at mental na kagalingan. Paano makakakain ng masusustansyang pagkain para lumakas ang immune system kung walang hanapbuhay o wala man lang ayuda sa gitna ng lockdowns?
Sa gitna ng pandemya, sadyang tusong isinabay ang pagtutulak ang mga anti-mamamayang proyekto na nagnakaw sa karaniwang tao ng katiyakan sa hanapbuhay. Sa ganitong paraan, dahil sa mga restriksyon, mahirap itong tapatan ng malalaking protesta. Halimbawa na lamang ang pagpapatupad sa jeepney phaseout sa mga mayor na ruta sa Metro Manila na nakaamba rin ang pagpapatupad sa mga sentrong urban dito sa Gitnang Luzon. Tuyong Pasko naman ang naghihintay sa mga mangingisda sa Malolos, Bulacan, at Paombong dahil sa pagtatayo ng airport city ng San Miguel Corporation. Hindi pinahihintulutang mangisda sa mga eryang dati nang pinangingisdaan dahil sa paghuhukay ng draga para mapadaan ang mga barkong lulan ang mga gamit sa konstruksyon ng naturang airport. Tinatayang lalong magiging bahain ang probinsya dahil sa mga nawalang bahura; at hindi mahirap isipin na masama ang epekto nito sa kalusugan dahil sa posibleng dalang sakit ng mataas na tubig.
Sa isang bansang naghihingalo ang ekonomiya at pinapatakbo ang gobyerno ng mga nasa pwesto na parang negosyong pagkakakitaan, napakabulnerable nito sa mga sakuna, lalong higit sa isang krisis pangkalusugan kagaya ng COVID19. Kaya para tunay na makarekober mula sa pandemya, kailangang gamutin hindi lamang ang sintomas ng panlipunang karaingan, kundi lutasin ang dahilan nito.
Matagal nang pinapanatiling walang industriya ang bansa. Kaya walang sapat na oportunidad ang mga manggagawang Pilipino – kalagayang nagtutulak sa mga kababayan natin na makipagsapalaran sa ibang bayan. Nanatiling barat ang sahod, na ginawang lehitimo ng batas tulad ng Herrera Law- hindi sapat para tustusan ang batayang pangangailangan sa araw-araw para mabuhay nang marangal. Nandiyan din ang kontraktwalisasyon na lalong nagpasadlak sa manggagawa sa hirap. Kaya panandalian at walang stabilidad ang mga trabaho ang naghihintay sa karaniwang mamamayan.
Nanatiling nasa monopolyo ng iilan ang malawak na lupang agrikultural sa bansa, na siyang naglagay sa mga magsasaka, ang sektor na may pinak**alaking populasyon, sa sitwasyong wala silang kontrol sa sarili nilang kabuhayan bagkus tali sa pyudal na relasyon sa mga panginoong maylupa. Dahil na rin sa kawalan ng industriya, bansot ang agham at teknolohiya ng bansa, kaya atrasado ang pagsasaka. Nakita natin sa panahon ng pandemya ang kahalagahan ng seguridad sa pagkain subalit hangga’t umiiral ang pyudal na relasyon sa pagsasaka, marami ang magugutom, may pandemya man o wala.
Dahil umiiral ang ganitong kaayusan, sadyang nagbibigay puwang sa mga dayuhan at pribadong mga entidad. Madaling makita ito sa pagkatali sa mga dayuhang dambuhalang kumpanya ng mga gamot para magkaroon ng bakuna sa bansa. Sa halip na tumindig at umasa sa sarili, kagaya ng tinahak na landas ng Cuba na nakalikha ng sarili nilang bakuna, ibinebenta ng gobyerno ang kasarinlan ng bansa, kapalit ng mga dayuhang puhunan, murang lakas-paggawa, murang pagkukuhanan ng hilaw na materyales, at pamilihan ng kanilang mga produkto. Isang dahilan din ang labis na pag-asa sa ugnayang-panlabas kung bakit napakahirap para sa gobyerno na isara ang hangganan ng bansa bilang pagpigil sa pagpasok ng COVID, mula sa mga flights sa Tsina at iba pang mga bansa na may malaking puhunan sa Pilipinas.
Lalong nagpapahirap sa mamamayang Pilipino, ang sistematikong pagpapabaya at ang pagbubukas ng pamumuhunan ng mga dayuhan at lokal na kapitalista sa serbisyong pangkalusugan. Halimbawa na lamang, ang monopolyo ng iilan sa manupaktura ng gamot, ang sanhi ng mataas ng persyo ng mga ito na hindi kayang maabot ng karaniwang mamamayan.
Habang hindi pa tuluyang nakakarekober sa COVID19, sinasabi ng mga eksperto na hindi ito ang huling pandemya na mararanasan ng sangkatauhan. Kaya kailangang panghawakan ang leksyong itinuturo sa atin ng realidad na naranasan ngayong pandemya. Sa kalagayang, ang itinutulak ng gobyerno ang interes ng iilan, sa gitna ng paghihirap ng nakakarami, walang ibang aasahan kundi ang sariling kolektibong pagsisikap ng mamamayan na maabot ang isang lipunang nakatindig sa sarili at hindi sunod-sunuran sa dikta ng dayuhan; at binibigyang prayoridad ang kalusugan at kagalingan ng mamamayan. Kailangang panghawakan ng taumbayan diwa ng bayanihan, pagdadamayan, at pagtutulungan na ipinamalas sa paglulunsad ng community pantries at idireksyon ito sa pagkamit ng mas pang matagalang pangangailangan.
Mahahawi ang landas patungo sa mas panatag at malusog na bukas sa pamamagitan ng ating pag-aaral hinggil sa kalusugan at lipunan, sa pagpapalakas ng kapasidad sa pagharap sa problemang kalusugan sa batayang antas sa ating hanay, at sa pakikipag-kapitbisig sa bawat aping sektor para sama-samang kumilos upang itaguyod ang karapatan sa kalusugan at tunay na panlipunang pagbabago. #
Cupin, Bea. (November 4, 2021). Metro Manila under Alert Level 2 beginning November 5. Rappler. https://www.rappler.com/nation/metro-manila-alert-level-2-november-5-21-2021/
Teodoro, Luis V. (November 5, 2021). Rush to normalcy. Luis Teodoro. https://www.luisteodoro.com/rush-to-normalcy/?fbclid=IwAR0ctJ9VZX2R3cSqtk486Uc1swt8CfbCFCOrvgiiuvIRPBc8EgbtGY54Gf0
Sguazzin, Antony. (November 30, 2021). How a Missing Gene Led South African Scientists to Find Omicron. Bloomberg. https://www.bloomberg.com/news/articles/2021-11-30/how-south-african-scientists-found-the-troubling-omicron-strain
World Health Organization. (November 28, 2021). Update on Omicron. World Health Organization. https://www.who.int/news/item/28-11-2021-update-on-omicron
Esguerra, Darryl John. (August 3, 2020). Want higher pay? Join the police force, Duterte tells nurses. Inquirer. https://newsinfo.inquirer.net/1315808/want-higher-pay-join-police-force-duterte-tells-nurses
Gonzales, Catherine. (December 3, 2021). Metro Manila now ‘very low risk’ for COVID-19 – OCTA research. Inquirer. https://newsinfo.inquirer.net/1523384/metro-manila-now-very-low-risk-for-covid-19-octa-research
(November 28, 2021). Philippines tightens boder controls to keep out Omicron variant. Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/philippines-buy-extra-20-mln-doses-pfizers-covid-19-vaccine-2021-11-28/
Juno, Jennifer and Adam Wheatley. (November 29, 2021). Are new COVID variants like Omicron linked to low vaccine coverage? Here’s what science says. The Conversation. https://theconversation.com/are-new-covid-variants-like-omicron-linked-to-low-vaccine-coverage-heres-what-the-science-says-170262
Gascon, Melvin. (September 13, 2021). P10.3- billion ‘savings’ in 2020 used to fund infra, not COVID fight – Colmenares. Inquirer. https://newsinfo.inquirer.net/1486914/p10-3-b-2020-savings-used-to-fund-infra-not-covid-fight-colmenares