12/08/2026
MALAKING KALTAS-PONDO, NAGBABANTA SA BULSU NGAYONG 2027!
Matapos ang ating naging matagumpay na pagkalampag at pagpapasa ng position paper sa House of Representatives, isang malaking hamon ang muling kinakaharap ng ating pamantasan. Inilabas na ang panukalang badyet para sa taong 2027, at malinaw ang posisyon ng pambansang gobyerno sa pagkakait sa sapat na pondo para sa mga Iskolar ng Bayan.
Batay sa opisyal na National Expenditure Program document para sa BulSU, asahan natin ang higit โฑ181 milyong pisong kaltas sa kabuuang pondo ng ating pamantasan. Ang Total Agency Budget ng BulSU para sa kasalukuyang taong 2026 ay nagkakahalaga ng โฑ 2,109,744,000. Para sa panukalang badyet ng taong 2027, ibinaba ito sa โฑ 1,928,510,000. Pinakamatindi ang kaltas sa Capital Outlays ng pamantasan, na nagkakahalaga na lamang ng โฑ 101,360,000 para sa 2027.
Ano ang ibig sabihin ng lantarang kaltas-pondong ito para sa mga ordinaryong BulSUan? Ayon mismo sa ating Agenda 1, ang kaltas-pondong ito ay lantarang pagtalikod ng estado sa mandato ng Article XIV, Section1 ng ating Konstitusyon na protektahan at itaguyod ang karapatan ng bawat mamamayan sa de-kalidad at abot-kayang edukasyon.
Ang kakulangan sa pondo ay isang "manufactured scarcity" na direktang sumasagasa sa kalidad ng ating edukasyon. Libu-libong aplikante ang hindi matatanggap taon-taon โ hindi dahil kulang sila sa galing, kundi dahil napipilitan ang pamantasan na maglagay ng artipisyal na enrollment cap bunsod ng kawalan ng pisikal at logistikal na kapasidad. Ang patuloy na hindi paglalaan ng sapat na Capital Outlay ay nagreresulta sa mga nag-uumapaw na klasrum, paggamit ng mga pasilyo bilang espasyo sa pag-aaral, at kakulangan sa armchairs at desks para sa mga nakapasok. Direktang manipestasyon din ng pag-ipit sa pondo at kawalan ng institusyonal na proteksyon sa gitna ng reorganisasyon ng pamantasan ang kinakaharap na banta sa College of Nursing, kung saan pilit silang inililipat mula sa Malolos Campus patungo sa San Rafael sa halip na palakasin at pondohan ang pananatili ng isang matagal nang kolehiyo. Ang patuloy na pag-ipit sa Personnel Services ay naglilimita sa permanenteng plantilla positions, na nagtutulak sa pamantasan na umasa sa mga contractual at part-time na g**o na nabibigyan ng hindi makatarungang dami ng teaching loads. Sa gitna ng krisis pang-ekonomiya, nananatiling underfunded ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) kung ikukumpara sa tunay na pangangailangan ng mga mag-aaral para sa transportasyon at internet connectivity.
Hindi natin maaaring tanggapin ang kakulangan sa pondo bilang isang normal na sitwasyon โ sapagkat ang kakulangang ito ay direktang desisyon at patakaran ng estado, hindi isang aksidente lamang. Ang batayang karapatan natin sa edukasyon ay hindi isang pribilehiyo na pwedeng tawaran pababa taon-taon. Panahon na upang palakasin ang ating panawagan. Iisang boses nating igigiit na ang sapat na pondo ay isang batayang obligasyon ng estado, at nararapat na sundin ng gobyerno ang pamantayang 6% of GDP allocation para sa edukasyon na nirerekomenda ng UNESCO upang punan ang mga pangangailangan ng bawat SUC. Ang estado ay may pangako nang itayo nito ang Bulacan State University, at nandito tayo para siguruhing tutuparin nila ito. Isulong ang laban. Para sa edukasyon. Para sa bayan.