20/10/2022
CITY OF MALOLOS, Bulacan -- 512 na mga magsasaka at mangingisda ang dumalo sa isinagawang Farmers' Field School Mass Graduation Ceremony. Ito ay matapos nilang makumpleto ang 12-16 na linggong pagsasanay sa pagtataguyod ng Department of Agriculture- Regional Field Office III (DA-RFO III), Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources- Region III (BFAR Region III) sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at mga Pamahalaang Bayan ng Baliwag, Bocaue, Bustos, Hagonoy, Lungsod ng Malolos, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael.
74 na mga magsasaka ang nagtapos sa Farmers' Field School on Vegetable Production sa pagtataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Panlalawigang Tanggapan sa Pagsasaka at pakikipagtulungan sa mga bayan ng San Ildefonso, San Miguel at San Rafael. Samantala, 321 na mga magsasaka ang nagtapos sa pagsasanay ukol sa Scaling the Adoption of Pest and Nutrient Management Technologies sa ilalim ng Scaling Rice Development Initiatives (SRDI) Project ng PhilRice. Ang mga nagsanay ay mula sa mga bayan ng Baliwag, Bocaue, City of Malolos, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel at San Rafael. Ito na ang ikatlong batch ng mga magsasaka na nagtapos sa nasabing proyekto kung saan, ang mga tagapagsanay ay mga Agricultural Extension Workers (AEWs), Local Farmer Technicians (LFTs) at farmer leaders na nagtapos sa ikalawang batch. 91 na mga magsasaka mula sa mga bayan ng Bustos, Pulilan at San Ildefonso ang nagtapos sa isinagawang pagsasanay ng DA-RFO III ukol sa Climate- Resilient Farm Business School, habang 26 na mga fishpond operators naman mula sa Brgy. San Pablo, Hagonoy, Bulacan ang nagtapos sa Fishfarmers' Field School on Improved Polyculture of Shrimp and Tilapia in Brackishwater Pond using Greenwater Technology sa pangunguna ng Panlalawigang Tanggapan sa Pagsasaka at pagtataguyod ng BFAR Region 3.
Ang mga pagsasanay ay nagsimula noong Hunyo at natapos nitong buwan ng Oktubre. Layunin nito na maibahagi sa mga magsasaka at mangingsida ang mga napapanahong pamamaraan at teknolohiya na makatutulong sa pagpapataas ng antas ng kanilang produksyon.
Pinagtibay ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagtatapos ng mga magsasaka at mangingisda kasama sina VG Alex Castro, Committee Chair on Agriculture and Fisheries BM Allen Dale DC. Baluyut, BM Cezar "Teta" Mendoza, BM Ramil Capistrano, PhilRice SRDI Focal Person Mr. Mark Angelo Abando, DA-RFO 3 Operations Division Chief Ms. Elma Mananes, and BFAR- Region 3 Training Section Chief Ms. Charito Coma, Provincial Agriculturist Ma. Gloria SF. Carrillo at mga Municipal/ City Agriculturist. Nagpadala rin ng mensahe ng pagbati si BFAR 3 Regional Director Wilfredo Cruz.
Patuloy na susubaybayan ng mga AEWs ang mga nagsipagtapos upang magabayan sila sa aplikasyon ng kanilang natutunan. Samantala, sila ay makatatanggap ng karagdagang inputs mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, BFAR Region 3, PhilRice at DA-RFO III.
Ipinagkaloob rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang katibayan ng pagpapahalaga sa mga partner agencies para sa kanilang suporta at pagkakaloob ng iba't- ibang programa para sa mga magsasaka at mangingisdang Bulakenyo, gayundin sa mga bayan na naging bahagi ng nasabing pagsasanay.
# # #