22/03/2026
BARANGAY JUSTICE DAY
Federation Lupon Tagapamayapa,
Nasugbu, Batangas
March 21, 2026
"Magandang araw po sa ating lahat.... Una sa butihing Mayor Antonio Jose Barcelon, Vice mayor Larry Albanyo, sa lahat SB, member, Municipal DILG Kermith Padre, sa mga kagalang-galang na Punong Barangay, mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa, mga miyembro ng CCW, sa iba pa mga panauhin, at higit sa lahat sa masisipag na tagapagtaguyod ng kapayapaan dito sa Bayan ng Nasugbu. Magandang umaga po,
Bago ko po simulan ang aking mensahe, nais ko muna pong magpakilala; ako c Luis D. Almarez, dating miyembro ng Philippine Constabulary (PC) na naging Philippine National Police (PNP), retirado na sa serbisyo, kasalukuyang kasapi ng lupon ng Barangay San Fernando, kasalukuyan ding pangulo ng Federation Lupon Tagapamayapa ng bayan ng Malvar Batangas,
Isang malaking karangalan para sa akin bilang Pangulo ng Pederasyon ng Lupong Tagapamayapa ng Bayan ng Malvar, na makasama ninyo sa pagdiriwang ng Barangay Justice Day, Taos-puso po akong nagpapasalamat sa paanyaya, lalo na sa aking kaibigan at kapwa ko lingkod-bayan, ang Pangulo ng Pederasyon ng Nasugbu, Mr. Mariano Apacible, na patuloy na nagpapakita ng dedikasyon sa pagpapalakas ng Katarungang Pambarangay, dito sa inyong bayan.
Mga kasama, ang Katarungang Pambarangay ay hindi lamang proseso ng pag-aayos ng alitan. Ito ay puso ng ating komunidad. Ito ay sumasalamin sa ating pagkakaisa, malasakit, at paniniwala na ang hidwaan ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pag-uusap, pag-unawa, at pagpapatawad. Sa bawat kasong ating naaayos sa barangay, hindi lamang sigalot ang tinatapos, relasyon ang naibabalik, respeto ang naipapanumbalik, at kapayapaan ang naitataguyod.
Nais ko ring ibahagi at ipaabot sa inyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng federation ng Lupon Tagapamayapa. Sa buong Batangas, ipinagmamalaki natin na dalawa pa lamang tayong bayan, na mayroon organisadong Pederasyon ng Lupong Tagapamayapa, ito ay ang bayan ng Malvar at ang bayan ng Nasugbu. At Ito ang naging daan kung kaya tayo nagkakilakilala at nagkaroon ng kuminikasyon upang makapagtalastasan. Ibig sabihin, tayo ang mga naunang maglalatag ng landas at inspirasyon, Tayo ang magiging halimbawa na kapag nagkakaisa ang lupon, mas nagiging makabuluhan ang ating serbisyo, mas napapalakas ang kakayahan, at mas napapabilis ang paghatid ng hustisyang malapit sa puso mamamayan.
Nawa’y magsilbi itong panawagan sa iba pang bayan at lungsod na mag-organisa rin, makiisa sa ating layunin at palakasin ang hanay ng mga Lupong Tagapamayapa. Ang pederasyon ay hindi lamang samahan — ito ay suportang grupo ng pagkakapatiran, na nagtutulungan at nagpapalitan ng kaalaman na may kaugnayan sa pangangasiwa sa katarungang pambarangay
Mga kapwa ko lingkod bayan , ipagpatuloy natin ang pagpapasigla sa hanay ng lupon tagapamayapa. Huwag nating hayaang maging palamuti na lamang ang ating Lupon Tagapayapa. Gawin natin itong misyon. Patuloy tayong mag aral, matuto, magbahaginan ng karanasan at magtulungan sa pagbibigay ng gabay sa ating kumunidad, upang mas maging epektibo ang ating paglilingkod.
Higit sa lahat, manatili tayo sa diwa ng tradisyon ng Katarungang Pambarangay. Ito ay isang napakagandang kulturang Pilipino, ang pag-aayos ng alitan sa paraang makatao, may paggalang, at may malasakit.
Sa panahon ngayon na hindi maiwasang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa ating komunidad na nauuwi sa demandahan, ngunit ang barangay justice o lupon tagapamayapa ang siyang nagpapaalala na ang tunay na hustisya ay hindi lamang nakakamit sa panalo o talo, kundi sa pagkakasundo at kapayapaan.
Sa aking kaibigan na Pangulo ng Pederasyon dito sa Nasugbu, ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pagbati at paghanga. Ang inyo pong pamumuno ay patunay na kapag ang lider ay may puso sa serbisyo, sumusunod ang pagkakaisa at tagumpay ng organisasyon. Asahan po ninyo ang patuloy na pakikipag-ugnayan at suporta ng Pederasyon ng Lupon Tagapayapa ng Malvar. Magkaibigan tayo hindi lamang bilang tao, kundi bilang magkatuwang sa adbokasiya ng kapayapaan.
Sa lahat ng miyembro ng Lupong Tagapamayapa ng Nasugbu, saludo po ako sa inyong sakripisyo, tiyaga, at malasakit. Hindi man laging nakikita, ang inyong ginagawa ay malaki ang epekto nito sa katahimikan ng bawat pamilya at ng buong komunidad.
Sa pagtatapos po ng aking mensahe, nawa’y patuloy nating isabuhay ang pagiging tagapamayapa — hindi lamang sa mesa ng pagdinig, kundi sa ating mga salita, kilos, at pakikitungo sa kapwa. Sapagkat ang tunay na lakas ng Katarungang Pambarangay ay nagmumula sa puso ng mga taong naniniwalang ang kapayapaan ay laging posible.
Maraming salamat po, mabuhay ang Lupong Tagapamayapa, mabuhay ang Pederasyon Lupon ng Nasugbu,
mabuhay ang Pederasyon Lupon ng Malvar,
at mabuhay ang kulturang Pilipinong nagtataguyod ng pagkakasundo at kapayapaan.
Magandang araw po muli sa inyong lahat".
LUIS D. ALMAREZ
President
Federation Lupon Tagapamaya
Malvar, Batangas