24/07/2024
Marcos Jr., ITO ang TUNAY na state of the nation. Dalawang araw matapos ang SONA, pinapasinungalingan ng ang mga salita ni Marcos.
Wala ni anino ni Marcos, Duterte, at ng kanilang flood control projects ang makita ngayong nasa state of calamity ang Metro Manila.
Nauna nang umalis ng bansa si VP Sara Duterte kaninang umaga kasama ang kaniyang pamilya papuntang germany. Iniwan niya ang walo na patay, dalawang sugatan, isang nawawala sa Northern Mindanao, at 866,483 na pamilyang apektado dahil sa bagyo. Kalakhan ng apektado ay mga maralitang lungsod, manggagawa, magsasaka, at mangingisda. Ang pinsala sa agrikultura ay nasa P8.7 million at pinsala sa imprastraktura ay umabot na sa P700,000.
Ipinagmalaki ni Marcos ang di umanong natapos na 5,500 flood control projects sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong isang araw ngunit pareho pa rin ang dinaranas ng mamamayang Pilipino: lubog sa baha, nasa panganib, at kanya-kanyang paraan para iligtas ang sarili. Ang ganitong mga proyekto ay kadalasan pang balon ng korapsyon at hindi komprehensibong tinutugunan ang climate change.
Ang pagtindi ng pagbaha ay idinulot ng walang pagkukubling pagbebenta ni Marcos ng mga lupain, kabundukan, at dagat ng Pilipinas. Isa na rito sa porma ng malawakang reclamation projects na sumisira sa ating kalikasan tulad na lamang ng Manila Bay Reclamation project.
Dapat managot ang rehimeng Marcos sa kriminal na kapabayaan nito at lantarang paglulustay ng pera ng bayan para sa ganansya ng mga kapitalista at dayuhan. Simbolo ang pag-alis ni Sara Duterte papuntang Germany at kawalang aksyon ng rehimeng Marcos sa gitna ng sakuna na hindi kailanman sila tunay na nagsisilbi sa bayan, kundi para lang sa kanilang sarili at mga imperyalistang amo.
Nananawagan kami sa kabataang Pilipino na mag-ingat at maging mapagmatyag. Kasabay nito, ilantad natin ang pabayang rehimeng Marcos sa pagwawalang-bahala nito sa kaligtasan ng mamamayan alang-alang sa kita ng iilan.