Mariveles Historical Society

  • Home
  • Mariveles Historical Society

Mariveles Historical Society He is the great-grandson of Mayor Esteban Gonzales 1908.

Founded in 1998 at UP Diliman by Pocholo De Leon Gonzales during his National Historical Institute training with Ugnayan ng Pahinungód, the Mariveles Historical Society preserves Mariveles history.

01/09/2026

Protect Mount Mariveles!

Taga Mariveles Ka Kung...Isang Bagong Kolum ng Mariveles Historical SocietyUnang Bahagi: Mga Alaala ng Lumang MarivelesB...
31/08/2026

Taga Mariveles Ka Kung...

Isang Bagong Kolum ng Mariveles Historical Society

Unang Bahagi: Mga Alaala ng Lumang Mariveles

Batay sa “Alaala ng Mariveles” ni Jacqueline Pangilinan Magbanua at sa mga kuwentong ibinahagi ng mga Marivelenyo

May kasaysayang nakaukit sa bato, nakasulat sa dokumento, at nakatayo bilang bantayog. Ngunit mayroon ding kasaysayang nabubuhay sa amoy ng pandesal, tunog ng busina, lasa ng sorbetes, laro sa kalsada, paliligo sa ilog, at mga pangalang tanging mga tunay na taga-Mariveles ang nakaaalala.

Ito ang diwa ng bagong kolum ng Mariveles Historical Society:

“Taga Mariveles Ka Kung...”

Hindi ito pagsusulit kung sino ang “tunay” na Marivelenyo. Hindi rin ito para paghiwalayin ang mga katutubo, matatagal nang residente, at mga bagong naninirahan. Isa itong bukas na talaan ng ating sama-samang alaala.

Bawat pangungusap na “Taga Mariveles ka kung...” ay maaaring maging pinto patungo sa isang mahalagang kuwento tungkol sa pamilya, pamayanan, kabuhayan, pagkain, paaralan, pananampalataya, kalikasan, at pagbabago ng ating bayan.

Taga Mariveles Ka Kung...

Taga Mariveles ka kung pumila ka nang maaga sa panaderya ni Ka Ente para makabili ng mainit na pandesal na niluto sa pugong de-kahoy. Masarap na nga, lalo pang sumasarap kapag isinawsaw sa kape.

Taga Mariveles ka kung naging paborito mo ang keso at ube na ice cream ni Mang Kiko. Ayon sa mga lumang alaala, si Francisco “Iko” Hernandez, isang taga-Batangas na nanirahan sa Mariveles noong dekada 1960, ay kabilang sa mga unang kinilalang sorbetero ng bayan. May mga batang walang pera na nabibigyan pa raw niya ng libreng sorbetes.

Taga Mariveles ka kung nakabili ka ng popsicle sa tindahan nina Nita at Joe Fisaret sa lumang palengke. May naaalala ring naunang gumagawa at nagtitinda ng popsicle malapit sa Llamas Memorial Institute, sa lugar na kalaunan ay nakilala bilang kinatatayuan ng Uriquia Optical.

Taga Mariveles ka kung natikman mo ang butsi ng mga Candelaria sa lumang palengke, ang ubeng kamote cue ni Ka Matea sa pagitan ng Simbahang Katoliko at Aglipay, at ang p**o bumbong at bibingka ni Apo Braulia sa Bonifacio.

Taga Mariveles ka kung hindi mo malilimutan ang sumang malagkit na may makapal at malinamnam na latik ni Apo Maring.

Taga Mariveles ka kung nakabili ka kina Apo Diega, Apo Loleng Concepcion, Apo Asyang, at iba pang maliliit na tindahang naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng bayan.

Taga Mariveles ka kung natikman mo ang tira-tira, ginaok na niyog, tinapay na katol, shing-aling-aling, bibintot, at iba pang pagkaing unti-unti nang nawawala sa karaniwang hapag ng bagong salinlahi.

Ang Lumang Palengke

Taga Mariveles ka kung alam mong ang lugar ng MAHESFCO ay dating palengke ng bayan.

Taga Mariveles ka kung namalengke ka sa lumang pamilihan, kung saan hindi lamang pagkain at gamit ang nabibili. Dito rin nagkikita ang magkakapitbahay, nagpapalitan ng balita, nagtatanong tungkol sa mga kamag-anak, at nagkukuwentuhan tungkol sa buong bayan.

Sa lumang Mariveles, ang palengke ay hindi lamang sentro ng kalakalan. Para itong buhay na pahayagan. Kapag may bagong panganak, kasal, piyesta, sakuna, artista, o bagong dating na pamilya, malamang na alam na iyon sa palengke bago pa makarating ang balita sa kabilang dulo ng bayan.

Mga Larong Hindi Nangangailangan ng Gadget

Taga Mariveles ka kung nakipaglaro ka ng patentero sa harap ng lumang munisipyo sa Ricarte Street, sa lugar na kilala ngayon bilang People’s Park.

Taga Mariveles ka kung nakapaglaro ka sa dating basketball court na kinatatayuan na ngayon ng bagong palengke.

Taga Mariveles ka kung naghukay kayo ng durokoy sa pampang, pagkatapos ay nagpalakihan ng butas at nagparamihan ng mahuhuling durokoy.

Taga Mariveles ka kung namintol ka sa tulay, naghukay ng lukan sa Latin, naligo sa Tabing Dagat, o naghabulan sa kalsada hanggang tawagin ka ng nanay mo dahil madilim na.

Noon, hindi kailangang mamahalin ang laruan. Ang ilog, dagat, buhangin, bakuran, tulay, plaza, at lansangan ang nagsilbing palaruan ng mga batang Marivelenyo.

Paaralan, Ilog at Bundok

Taga Mariveles ka kung nag-igib ka ng tubig sa A.G. Llamas Elementary School, saka dumiretso sa Latin o sa bundok sa likod ng paaralan upang maglaro.

Taga Mariveles ka kung naging punong-guro ng iyong paaralan si Miss Ginhawa Yraola.

Taga Mariveles ka kung pagkatapos ng klase ay hindi ka kaagad umuuwi. Naglalaro ka muna, namimitas ng prutas, pumupunta sa ilog, o sumasama sa mga kaibigang naghahanap ng kung anu-ano sa gubat at pampang.

Taga Mariveles ka kung kabisado mo hindi lamang ang mga opisyal na pangalan ng barangay kundi pati ang matatandang pangalan ng mga pook tulad ng:

Nagulong, Tarak, Lati, Wiswis, Wawa, Washington, Roxas, Paliparan, Lundre, Naglupa, Uwang, Tabyo, Kutkot, Manggang Krus, Talain, Biyaan, Wain, Bayan-bayanan, Banagan at Sapang Bato.

Ang mga pangalang ito ay mahalagang bahagi ng heograpiyang-bayan. Ang ilan ay hindi makikita sa mga karaniwang mapa ngunit nabubuhay sa alaala, direksiyon, kuwento, at karanasan ng matatandang residente.

Ang Pamayanang Aeta

Taga Mariveles ka kung alam mo ang mga dating pamayanan at pinupuntahang lugar ng mga Aeta sa Tarak, Tabyo, Biyaan, Wain, Talain, Bayan-bayanan, Naglupa at iba pang bahagi ng kabundukan.

Taga Mariveles ka kung nakasakay ka sa kabayo ni Sgt. Anes patungo sa Bayan-bayanan upang kumuha ng baboy-damo, usa, o iba pang pagkain mula sa paligid ng ilog at bundok.

Taga Mariveles ka kung kilala mo si Banyang, si Apo Pila, at ang iba pang matatandang Aeta na naging bahagi ng buhay at alaala ng bayan.

Hindi dapat ituring na palamuti lamang sa kasaysayan ng Mariveles ang mga Aeta. Narito na ang kanilang mga ninuno bago pa naitatag ang mga makabagong barangay, pagawaan, shipyard, at economic zone. Ang kanilang mga pangalan para sa mga ilog, bundok, halaman, hayop, at lupain ay mahalagang pamanang kailangang maitala habang buhay pa ang mga nakaaalam nito.

Transportasyon Noon

Taga Mariveles ka kung nakasakay ka sa Teyms at nahilo o nagsuka sa zigzag na daan.

Taga Mariveles ka kung naabutan mo ang Iya Mallorca, na ayon sa alaala ng ilang residente ay isa sa mga naunang bus na nagsilbi sa Mariveles.

Taga Mariveles ka kung nakasakay ka sa mga Fariñas bus, BEPZ liner, o iba pang sasakyang punô ng manggagawa, estudyante, namamalengke, at mga pamilyang naglalakbay palabas at papasok ng bayan.

Noon, ang pagbiyahe patungong Balanga o Maynila ay isang tunay na paglalakbay. Ang kurbada ng bundok, alikabok ng daan, businahan, siksikan, at pagkahilo sa zigzag ay bahagi ng kuwentong inuuwi ng bawat pasahero.

Libreng Sine, Radyo at Palabas sa Plaza

Taga Mariveles ka kung nagdala ka ng sariling bangko, banig o kumot upang ilatag sa dating basketball court o plaza sa harap ng Simbahang Katoliko.

Doon ginaganap ang libreng pagpapalabas ng pelikula tuwing Biyernes ng gabi, na ayon sa mga residente ay itinataguyod ng BASECO.

May malinaw na dokumentadong ugnayan ang NASSCO, BASECO at Mariveles. Nagtala ang desisyon ng Korte Suprema ng mga kasunduan noong dekada 1970 kaugnay ng mga estruktura, kagamitan at lupain sa Mariveles. Dahil dito, hindi kataka-takang ang BASECO ay nanatiling malaking bahagi ng alaala ng mga manggagawa at kanilang pamilya. Basahin ang desisyon sa Lawphil.

Taga Mariveles ka kung nakinig ka ng drama sa radyo malapit sa munisipyo.

Taga Mariveles ka kung nanood ka ng “pasine” ng NASSCO.

Taga Mariveles ka kung nakipanood ka ng telebisyon sa bahay na mayroon nito at nag-ambagan pa ang mga manonood tuwing Sabado.

Sa panahong wala pang internet at streaming, ang isang radyo, projector, o telebisyon ay nakapagtipon ng isang buong pamayanan.

Maestro Paco at ang Amateur Singing Contest

Taga Mariveles ka kung nakapanood ka ng Amateur Singing Contest sa munisipyo at nakilala mo ang hindi malilimutang tagapagdaloy na si Maestro Paco Pangilinan.

Kuwento ng matatanda, mahaba raw munang magtalumpati si Maestro Paco bago ipakilala ang mga kalahok. At bago makakanta ang mga contestant, kakanta muna siya ng:

“Sampaguita ng aming lahi...”

Ang mga patimpalak na ito ang nagsilbing entablado ng maraming mang-aawit at tagapagtanghal ng Mariveles. Hindi lamang tropeo ang nakataya rito. Dito nabubuo ang kumpiyansa, pagkakaibigan, at pangarap ng mga kabataang nais marinig ang kanilang tinig.

FPJ sa Mariveles

Taga Mariveles ka kung nakipagsiksikan ka sa lumang munisipyo o People’s Park upang makita si Fernando Poe Jr.

Taga Mariveles ka kung naging extra ka, nakasama sa eksena, o nakapanood sa likod ng kamera habang kinukunan ang pelikulang Alupihang Dagat sa Porto del Sol at iba pang bahagi ng bayan.

Ang pelikulang Alupihang Dagat ay pinagbidahan at idinirehe ni FPJ noong dekada 1970. Higit pa rito, iniulat noong 2005 na umabot umano sa 34 na pelikula ni FPJ ang kinunan sa Mariveles mula 1970 hanggang 2002. Noong 1996, idineklara rin S'ya ng Sangguniang Bayan bilang ampon na anak ng Mariveles. Philstar: Bataan councilor proposes FPJ Park.

Kaya sa maraming Marivelenyo, hindi lamang S'ya artista sa puting tabing. Isa S'yang tunay na bahagi ng kanilang kabataan at alaala.

At kung kilala mo si Aguilar, baka may kuwento kang matagal na naming hinihintay.

Talaga Beach at ang Sinasabing Mansion

Taga Mariveles ka kung nakapagpiknik at nakaakyat ka sa Talaga Beach.

Taga Mariveles ka kung napasok o nakita mo ang malaking bahay na karaniwang tinatawag ng matatandang residente na “Mansion ni Marcos.”

Mahalagang linawin na ang pagtawag dito bilang mansion ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay bahagi ng lokal na alaala at testimonya. Kailangan pa rin ng mga dokumento, titulo, plano, larawan, o opisyal na rekord upang matiyak kung sino ang tunay na nagpagawa, gumamit, o nagmay-ari ng bahay sa bawat panahon.

Hindi natin itinatapon ang alaala dahil wala pang dokumento. Itinatala natin ito bilang mahalagang pahiwatig, saka natin hinahanap ang katibayang maaaring magpatibay o magwasto rito.

Ang “Mental” sa Alaala ng Bayan

Taga Mariveles ka kung “napasok ka na sa Mental,” pero para mamasyal, dumalaw, maghatid, o magtrabaho lamang.

Taga Mariveles ka kung uminom ka ng tubig na tinatawag noon ng ilan na “tubig Mental,” bago pa naging malawak ang serbisyo ng Mariwad.

Taga Mariveles ka kung nakalakad ka sa loob ng malawak at tahimik na compound, nakakita sa matatandang gusali, o minsang hinabol at natakot sa isang pasyenteng nakalabas.

Sa likod ng mga nakatatawang kuwento ay isang mahalagang institusyong pangkalusugan. Ayon sa opisyal na kasaysayan nito, binuksan sa Mariveles noong Hulyo 1955 ang sangay ng National Mental Hospital upang mabawasan ang siksikan sa pangunahing ospital. Nagmula ang 3.8 ektaryang lupain at mga gusali sa dating Quarantine Station. Nagsara ito noong 1960 at muling binuksan noong Disyembre 1963. Mariveles Mental Wellness and General Hospital.

Ang lugar ay mas matanda pa sa ospital. Kinikilala na rin ngayon ang Lazareto de Mariveles, na itinatag noong 1882 bilang quarantine station. Nilagyan ito ng panandang pangkasaysayan noong Agosto 22, 2024. Municipality of Mariveles: Visit Mariveles.

Kaya ang “Mental” ay hindi lamang bahagi ng biro at kuwentong-bayan. Isa itong pook na nagdurugtong sa kasaysayan ng kalusugan, quarantine, arkitektura, at pangangalaga sa mga pasyente.

Mga Taong Nilalapitan ng Bayan

Taga Mariveles ka kung sa Botika Concepcion ka bumibili ng gamot at si Ate Meding ang tinatanong kapag may suliranin sa kalusugan.

Taga Mariveles ka kung kilala mo si Apo Isyong, na tinatawag upang tumulong sa mga inang nahihirapang magpasuso.

Taga Mariveles ka kung si Apo Sebya ang nagpaanak sa iyong ina, kaya bahagi S'ya ng kuwento ng iyong pagsilang kahit hindi mo man S'ya personal na nakilala.

Taga Mariveles ka kung kilala mo si Tatay Loloy Morales, na ayon sa mga alaala ay nilalapitan para sa pagtutuli ng mga batang lalaki.

Ang mga taong ito ay mga manggagamot, hilot, tindera, tagapag-alaga, at lingkod-pamayanan sa panahong limitado pa ang serbisyong medikal. Maaaring wala ang kanilang pangalan sa malalaking aklat, ngunit nakatala sila sa katawan at alaala ng mga pamilyang kanilang natulungan.

Apo Kulas at ang Karakol

Taga Mariveles ka kung nakasakay ka sa bangka upang ipagdiwang ang kapistahan ni Apo Kulas, si San Nicolas de Tolentino.

Taga Mariveles ka kung sumama ka sa karakol, sumayaw sa tugtog ng banda, kumaway mula sa dalampasigan, o naghintay sa pagdating ng prusisyon mula sa dagat.

Ang Karakol ay hindi lamang kasiyahan. Isa itong sama-samang pagpapahayag ng pasasalamat, pananampalataya, at paghingi ng pagpapala para sa pamayanan at kabuhayang nakaugnay sa dagat. Patuloy itong tampok sa kapistahan ng Mariveles, kasama ng tradisyong Daraldal. 1Bataan: Mariveles celebrates Apo Kulas Feast.

Sa bayang hinubog ng dagat, ang pananampalataya ay hindi lamang umiikot sa simbahan. Sumusunod ito sa alon.

Hindi Lang Ito Nostalgia

Ang “Taga Mariveles Ka Kung...” ay maaaring nakatatawa, nakaaantig, at minsan ay nakalulungkot. Ngunit higit sa lahat, isa itong anyo ng oral history.

Sa likod ng bawat pagkain ay may nagluto at naghanapbuhay.

Sa likod ng bawat lumang tindahan ay may pamilyang nagsilbi sa komunidad.

Sa likod ng bawat ilog, pampang, bukal at bundok ay may lumang pangalan at kuwentong maaaring tuluyang mawala.

Sa likod ng bawat libreng sine, paligsahan at prusisyon ay may organisasyong nagbuklod sa bayan.

At sa likod ng bawat “naaalala mo ba?” ay isang taong humihiling na huwag nating hayaang mabaon sa limot ang mundong minsan niyang kinalakhan.

Panawagan sa mga Marivelenyo

Ito ang unang bahagi ng isang patuloy na kolum. Inaanyayahan ng Mariveles Historical Society ang lahat na dagdagan ang ating talaan.

Kumpletuhin ang pangungusap:

“Taga Mariveles ako dahil naaalala ko...”

Maaari ninyong ibahagi ang:

Pangalan ng tao, tindahan, pagkain, paaralan o lugar

Tinatayang taon o dekada

Barangay o sitio kung saan ito matatagpuan

Mga taong kasama ninyo sa alaala

Lumang larawan, resibo, liham, programa o dokumento

Kuwento ng inyong mga magulang, lolo at lola

Pagwawasto sa mga pangalan, baybay, lugar at petsa

Pakilagyan ng pangalan ang nagbahagi upang maitala nang maayos ang pinagmulan ng kuwento.

Sapagkat ang kasaysayan ng Mariveles ay hindi lamang kuwento ng mga alkalde, digmaan, industriya at bantayog. Kasaysayan din ito ng pandesal ni Ka Ente, sorbetes ni Mang Kiko, butsi ng mga Candelaria, tinig ni Maestro Paco, libreng sine sa plaza, paglalaba sa Balon Anito, pag-igib sa AGLES, pag-akyat sa Talaga, paglalakbay sa zigzag, at pagsayaw sa bangka para kay Apo Kulas.

Taga Mariveles ka kung saan ka man dalhin ng panahon, may isang amoy, lasa, awit, lugar o pangalan na bigla kang ibinabalik sa bayang minahal mo.

Ikaw, kababayan, ano ang iyong “Taga Mariveles Ka Kung” na kuwento? Post mo old pics mo sa comment section!

MARIVELES HISTORICAL SOCIETY
Lahat may kuwento. Bawat alaala ay kasaysayan.

31/08/2026
TALAGA BEACH: ANG NAWAWALANG KASAYSAYAN NG MARIVELESMula sa pamayanang baybayin, digmaan, presidential retreat, PCGG seq...
31/08/2026

TALAGA BEACH: ANG NAWAWALANG KASAYSAYAN NG MARIVELES

Mula sa pamayanang baybayin, digmaan, presidential retreat, PCGG sequestration, pribadong bentahan, hanggang sa usapin ng kasalukuyang pagmamay-ari

Sa unang tingin, ang Talaga Beach ay isang tahimik na dalampasigan sa timog-kanlurang bahagi ng Mariveles. Para sa maraming Marivelenyo, lugar ito ng pangingisda, paliligo, piknik, at masasayang alaala ng kabataan.

Ngunit sa likod ng dagat, buhangin, mga lumang guho, at kuwento ng isang dating mansion ay nakatago ang masalimuot na kasaysayan. Ang Talaga ay naging pamayanang baybayin, posisyong militar noong digmaan, pahingahan ng isang pangulo, ari-ariang kinontrol ng isang korporasyon, lupang na-sequester ng pamahalaan, at paksa ng tunggalian sa pagitan ng pribadong pagmamay-ari at karapatan ng mga magsasaka at mangingisda.

Hindi lamang ito kuwento ng isang beach. Kuwento ito ng lupa, dagat, kapangyarihan, kabuhayan, at alaala ng mga Marivelenyo.

Bago pa dumating ang mga mansion at bakod

Hindi nagsimula ang kasaysayan ng Talaga sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Matagal nang umiiral ang Talaga Bay bilang bahagi ng baybaying heograpiya ng Mariveles. Napapaligiran ito ng mga burol at matatarik na lupain na nagsisilbing likas na panangga laban sa ilang bugso ng hangin at malalakas na alon. Dahil dito, ang look ay angkop bilang hintuan ng maliliit na bangka, pansamantalang kanlungan ng mga mangingisda, at pinagkukunan ng yamang-dagat.

Bago pa nagkaroon ng modernong kalsada, ang dagat ang nagsilbing pangunahing lansangan ng maraming pamayanang baybayin. Ang bangka ang sasakyan. Ang hangin, alon, agos, at panahon ang sinusunod na kalendaryo.

Malamang na matagal nang bahagi ng lokal na kabuhayan sa Talaga ang pangingisda, pagdaong ng mga bangka, pangunguha ng lamang-dagat, at pagtatanim sa mga bahaging malapit sa dalampasigan.

Pinagtibay ng isang kasong umabot sa Korte Suprema na may mga magsasaka at mangingisdang matagal nang naninirahan at naghahanapbuhay sa Sitio Talaga, Barangay Ipag. Ipinakikita nitong hindi lamang isang bakanteng resort property ang lugar. May pamayanan at kabuhayang nakaugnay dito.

Saan nagmula ang pangalang “Talaga”?

Wala pang natutuklasang matibay na dokumentong nagpapaliwanag kung kailan at paano unang ginamit ang pangalang Talaga.

Sa Tagalog, maaaring tumukoy ang salitang talaga sa isang bagay na itinakda, inilaan, o sadyang ginawa. Posible ring nagmula ito sa pangalan ng isang tao, katangian ng lupa, anyong-tubig, o pangyayaring matagal nang nakalimutan.

Ngunit hindi pa ito dapat ituring na tiyak na etimolohiya.

Kailangan pang suriin ang mga lumang mapa, cadastral survey, titulo, tax declaration, tala ng parokya, dokumento ng pamahalaang kolonyal, at oral history ng matatandang pamilya sa Ipag at Talaga.

Hangga’t walang orihinal na dokumentong natatagpuan, hindi pa matitiyak ang pinagmulan ng pangalan.

Kuwentong Kutsero. Sinasabing ang buhangin sa Talaga ay galing sa Boracay. Hindi totoo yan. Malalaki Ang buhangin sa Talaga pero pino Ang sa Boracay at Hindi mainit. Hindi tulad Ng sa Talaga Beach mainit.

Talaga Bay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Dahil malapit ang Talaga sa Mariveles Harbor, Corregidor, Cabcaben, Manila Bay, at iba pang estratehikong lugar sa katimugang Bataan, nagkaroon ito ng kahalagahang militar noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

May mga nailathalang sipi mula sa alaala ng mga sundalong Amerikano na tumutukoy sa pag-alis ng isang yunit mula sa kanilang posisyon sa “Talaga Bay” noong 1942. Ipinahihiwatig nitong kinikilala at ginagamit na lokasyong militar ang Talaga Bay noong Labanan sa Bataan.

Posibleng nagsilbi ang lugar bilang coastal defensive position, himpilan ng pagmamasid, pansamantalang kampo, ruta ng pag-urong, o hintuan ng mga sundalo.

Gayunman, kailangan pang matukoy ang orihinal na memoir, pangalan ng sundalo, yunit, eksaktong petsa, at military map. Hindi sapat ang isang muling inilathalang sipi sa social media upang buuin ang buong kasaysayang militar ng Talaga.

Dapat itong ituring na mahalagang historical lead na nangangailangan pa ng masusing pagsasaliksik sa Philippine at American military archives.

Pagbabago ng Mariveles

Mabilis na nagbago ang Mariveles pagsapit ng dekada 1960 at 1970.

Itinatag ang Mariveles Free Trade Zone sa bisa ng Republic Act No. 5490 noong Hunyo 21, 1969. Pagkatapos ay nilikha ang Bataan Export Processing Zone sa ilalim ng Presidential Decree No. 66 noong Nobyembre 20, 1972.

Kasabay nito ang pagtatayo ng mga pabrika, kalsada, tulay, pabahay, at iba pang pasilidad. Dumami rin ang mga taong nanirahan at nagtrabaho sa Mariveles.

Sa mga opisyal na tala ng Department of Public Works and Highways, kinikilala ang Mariveles-Talaga Bay Road bilang bahagi ng national road network. Sa local transport plan ng Mariveles, nakatala ang bahaging ito na may tinatayang haba na 4.347 kilometro.

Ipinakikita nitong hindi lamang impormal na pangalan ang Talaga Bay. Kinikilala rin ito bilang opisyal na heograpikal na destinasyon sa mga rekord ng pamahalaan.

Si Ferdinand Marcos Sr. sa Talaga Bay

Isa sa pinakamahalagang dokumentong natagpuan tungkol sa Talaga ay ang diary entry ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. noong Disyembre 2, 1970.

Isinulat niya:

> “We have spent the day in Talaga Bay, Mariveles, Bataan…”

Binanggit din niya na lumipad siya sakay ng helicopter patungong Malacañang upang dumalo sa isang gawain. Muling inilathala ng historyador na si Ambeth Ocampo ang naturang diary entry.

Mahalaga ito dahil direktang pinatutunayan ng sariling tala ni Marcos na personal siyang nagtungo at nanatili sa Talaga Bay noong 1970.

Hindi lamang pala ito kuwentong nabuo matapos ang 1986. Dokumentado ang presensiya ng pangulo sa lugar.

Gayunman, hindi sinasabi ng diary entry kung kailan unang nakuha o kinontrol ang lupain, sino ang mga dating may-ari, kailan itinayo ang beach house, sino ang gumastos sa konstruksyon, at ano ang legal na katayuan ng lupa noong panahong iyon.

Pinatutunayan ng diary ang presensiya ni Marcos, ngunit hindi nito sinasagot ang buong usapin ng pagmamay-ari.

Ang presidential beach house

Sa kolektibong alaala ng maraming Marivelenyo, nagkaroon sa Talaga ng malaking beach house o mansion na nakaharap sa dagat. May swimming pool, malawak na bakuran, cottages, pasilidad para sa seguridad, at mga bahaging hindi basta-basta napapasok ng publiko.

May mga residenteng nagsasabing mahigpit ang seguridad sa lugar noong panahon ni Marcos. Ang iba ay nakapasok lamang dahil may kakilala silang sundalo, guwardiya, empleyado, o opisyal.

Mayroon ding mga kuwentong ginamit ang Talaga bilang pribadong retreat ng pamilya Marcos at kanilang mga panauhin.

Ang ilang bahagi ng salaysay na ito ay sinusuportahan ng diary ni Marcos at ng mga rekord tungkol sa Talaga property. Ngunit kailangan pa ring siyasatin ang eksaktong gamit, disenyo, konstruksyon, at pondong ginamit sa beach house.

Ang Anchor Estate Corporation

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, ang malaking lupaing kinaroroonan ng Sitio Talaga sa Barangay Ipag ay dating pag-aari ng Anchor Estate Corporation.

May kabuuang lawak itong 129.4227 ektarya, o mahigit 1.29 milyong metro kuwadrado.

Matapos ang 1986, kinilala ng Presidential Commission on Good Government o PCGG ang Anchor Estate Corporation bilang dummy corporation ng yumaong Ferdinand Marcos Sr. Dahil dito, na-sequester ng PCGG ang mga ari-arian ng kompanya.

Ang sequestration ay paraan ng pansamantalang pagkontrol o pag-iingat ng pamahalaan sa isang ari-ariang pinaghihinalaang konektado sa ill-gotten wealth habang isinasagawa ang imbestigasyon, paglilitis, o disposition process.

Mahalagang maunawaan na magkakaiba ang kahulugan ng sequestered, surrendered, recovered, forfeited, auctioned, at sold. Hindi lahat ng na-sequester ay awtomatikong may pinal na hatol na ill-gotten.

Ngunit sa kaso ng Talaga, malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na hinawakan ng PCGG ang lupain matapos makilala ang Anchor Estate Corporation bilang dummy corporation ni Marcos.

Ang mga magsasaka at mangingisda ng Talaga

Noong Hunyo 16, 1994, naglabas ng Notice of Coverage sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program para sa buong 129.4227 ektaryang lupain.

Ibig sabihin, may hakbang noon upang isailalim ang lupain sa agrarian reform.

Kabilang sa mga naninirahan sa lugar ang mga kasapi ng Samahan ng Magsasaka at Mangingisda ng Sitio Naswe, Inc., o SAMMANA. Ayon sa kanilang pahayag, matagal na silang nakatira sa Sitio Talaga at nagsasagawa ng pagsasaka bilang pinagkukunan ng pang-araw-araw na kabuhayan.

Ngunit hindi sila pormal na nairehistro at naaprubahan bilang CARP beneficiaries bago nabago ang katayuan ng lupain.

Ito ang naging mahalagang dahilan kung bakit hindi kinilala ng mga hukuman ang kanilang legal standing upang kuwestiyunin ang mga naging pasya ng Department of Agrarian Reform.

Ang pagbebenta ng 34 ektarya

Noong Abril 4, 1995, naglathala ang PCGG ng Invitation to Bid para sa pagbebenta ng ilan nitong assets.

Kabilang dito ang 34 ektarya mula sa kabuuang 129.4227 ektaryang Talaga property.

Si Tomas Tan ang naging highest bidder.

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema:

Inaprubahan ng PCGG Committee on Privatization ang bentahan.

Naglabas ng Notice of Award kay Tomas Tan noong Mayo 2, 2000.

Inaprubahan ng Office of the President ang bentahan noong Hulyo 16, 2000.

Noong Agosto 1, 2000, lumagda ang PCGG, bilang kinatawan ng Republika ng Pilipinas, sa Deed of Sale pabor kay Tomas Tan.

Ito ang pinakamalinaw na dokumentadong pribadong bentahan ng bahagi ng Talaga property.

Gayunman, hindi pa natitiyak mula sa mga pampublikong dokumentong available online kung sakop ng 34 ektarya ang mismong beachfront, dating presidential beach house, swimming pool, at buong compound.

Pag-alis sa CARP coverage

Bago makumpleto ang bentahan, humiling ang PCGG sa Department of Agrarian Reform na itigil ang pagkuha sa lupain sa ilalim ng CARP.

Noong Hulyo 26, 2000, iniutos ni DAR Secretary Horacio Morales Jr. ang pag-alis ng Notice of Coverage sa buong 129.4227 ektaryang property. Ipinatigil din ang acquisition proceedings sa ilalim ng agrarian reform.

Noong 2004, hiniling ng SAMMANA na bawiin ang nasabing kautusan. Hindi ito pinagbigyan ng DAR. Umabot ang usapin sa Office of the President, Court of Appeals, at Korte Suprema.

Noong Abril 18, 2016, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng samahan.

Hindi pangunahing nagpasiya ang Korte Suprema kung sino ang moral na dapat makinabang sa lupain. Ang sentrong usapin ay kung may legal standing ang samahan upang kuwestiyunin ang naunang kautusan ng DAR.

Ayon sa hukuman, hindi napatunayan ng mga kasapi na sila ay nakarehistro at aprubadong CARP beneficiaries. Kaya ang inaasahan nilang benepisyo ay hindi pa naging aktuwal na karapatan o pagmamay-ari.

Pinagtibay din ng hukuman na matagal nang naging final and executory ang kautusan ng DAR noong 2000.

San Miguel Corporation na ba ang may-ari?

May kumakalat na impormasyong pag-aari na ngayon ng San Miguel Corporation ang Talaga Beach. Maaaring nagmula ito sa katotohanang si Tomas Tan, ang dokumentadong bumili ng 34 ektaryang bahagi ng Talaga property noong 2000, ay iniuugnay sa mataas na pamunuan ng San Miguel Corporation.

May isang Thomas A. Tan na naging miyembro ng Board of Directors ng San Miguel Corporation at naging President at General Manager ng SMC Shipping and Lighterage Corporation. Sa ilang ulat mula sa Bataan, tinutukoy din siyang “Tomas Tan.”

Malakas ang posibilidad na siya rin ang Tomas Tan na bumili ng 34 ektarya, ngunit kailangan pa rin ng dokumentong tuwirang nagpapatunay na iisang tao sila.

Higit na mahalaga, hindi awtomatikong pag-aari ng isang korporasyon ang personal na biniling lupa ng isang direktor o opisyal nito. Kailangang may deed of sale, transfer of title, corporate disclosure, o ibang opisyal na rekord na nagpapatunay na binili ni Tan ang lupa para sa San Miguel Corporation o kalaunan ay inilipat niya ito sa kompanya.

Gayunman, wala pang natatagpuang kasalukuyang titulo o opisyal na corporate record na nagpapatunay na nailipat ang Talaga property sa San Miguel Corporation o alinman sa mga subsidiary nito.

Samakatuwid, hindi pa dapat ihayag bilang tiyak na katotohanan na San Miguel Corporation ang kasalukuyang may-ari ng Talaga Beach.

May power project ang San Miguel Global Power sa Mariveles. Ngunit ang opisyal na inilalarawang lokasyon ng Mariveles Power Plant ay nasa humigit-kumulang 150 ektaryang property sa Barangay Biaan, hindi sa Talaga property sa Barangay Ipag.

Hindi sapat ang presensiya ng San Miguel sa Mariveles upang patunayang pag-aari rin nito ang Talaga Beach.

Sino ang may-ari ngayon?

Batay sa pinakamalinaw na pampublikong dokumento, si Tomas Tan ang bumili sa 34 ektaryang bahagi ng Talaga property noong 2000.

Ngunit hindi nangangahulugang siya ang may-ari ng buong 129.4227 ektarya.

Hindi rin matitiyak kung nasa loob ng 34 ektarya ang mismong beachfront at dating presidential compound.

Wala ring natagpuang bagong pampublikong online record na nagpapatunay kung si Tomas Tan pa rin ang registered owner ngayong 2026. Maaaring ang lupa ay:

nananatiling nakapangalan kay Tomas Tan

nailipat sa isang korporasyon

naibenta sa ibang pribadong indibidwal

nahati sa maraming titulo

nailipat sa kanyang mga tagapagmana

isinangla o na-foreclose

isinama sa ibang development

hawak pa rin ng pamahalaan ang ibang bahagi

Samakatuwid, ang pinakatumpak na pahayag ay:

> Si Tomas Tan ang huling pribadong mamimiling malinaw na kinilala ng Korte Suprema para sa 34 ektaryang bahagi ng Talaga property. Hindi pa kumpirmado sa mga kasalukuyang pampublikong rekord kung siya, kanyang mga tagapagmana, San Miguel Corporation, o ibang indibidwal o kompanya ang registered owner nito ngayon.

Hindi rin dapat sabihing pag-aari pa rin ng pamilya Marcos ang buong Talaga Beach. Ang dating Anchor Estate property ay na-sequester ng PCGG at may 34 ektaryang naibenta kay Tomas Tan noong 2000.

Hindi iisa ang Talaga Beach at Talaga Estate

Mahalagang ihiwalay ang tatlong katawagan:

Katawagan Kahulugan

Talaga Beach Ang aktuwal na dalampasigan at shoreline
Talaga Bay Ang look o anyong-tubig
Talaga Estate Ang malawak na lupaing dating nakapangalan sa Anchor Estate Corporation

Hindi awtomatikong sakop ng iisang titulo ang lahat ng tinatawag ng mga residente na Talaga Beach.

Posibleng nahati na ang lupain sa maraming lote at titulo. Maaaring magkakaiba ang may-ari ng beachfront, upland area, dating mansion compound, at mga katabing lupang sinasaka o tinitirhan.

Kailangan ang eksaktong cadastral at subdivision maps upang malaman kung saan naroon ang 34 ektaryang naibenta kay Tomas Tan.

Talaga matapos ang 1986

Ayon sa mga lokal na alaala, naging mas madaling puntahan ng publiko ang Talaga matapos ang EDSA People Power Revolution.

Noong huling bahagi ng dekada 1980 at dekada 1990, maraming pamilyang Marivelenyo ang namasyal, naligo, at nagpiknik sa lugar. Nakikita pa umano noon ang mansion, swimming pool, at iba pang bahagi ng lumang compound.

Habang lumipas ang mga taon, unti-unting nasira o nawala ang mga istruktura. Ang dating eksklusibong retreat ay naging abandonadong pasyalan at paksa ng mga kuwentong lokal.

Para sa mga batang nakarating doon noong dekada 1990, isa lamang itong misteryosong lumang resort. Para sa matatanda, paalala ito ng panahong hindi malayang napapasok ng karaniwang mamamayan ang isang magandang bahagi ng baybayin ng kanilang sariling bayan.

Pribadong titulo at pampublikong dalampasigan

Kahit may pribadong lupang katabi ng dagat, hindi nangangahulugang pribadong pag-aari na rin ang buong dagat at shoreline.

Sa ilalim ng Civil Code at mga batas sa lupa, ang mga dalampasigan at bahagi ng baybayin ay maaaring kabilang sa public dominion. Mayroon ding salvage zone o legal easement sa gilid ng dagat para sa pagdaan, pagliligtas, nabigasyon, pangingisda, at iba pang pampublikong layunin, depende sa klasipikasyon ng lupa at aktuwal na survey.

Gayunman, hindi rin maaaring basta pumasok ang publiko sa pribadong lupain upang marating ang beach kung walang legal na public access road o easement.

Kailangang malaman kung alin ang titled private property, foreshore land, public domain, at legal na pampublikong daan.

Ano ang kailangan upang matukoy ang tunay na may-ari?

Upang malaman ang kasalukuyang registered owner, kailangang makuha ang:

1. Certified True Copy ng kasalukuyang Transfer Certificate of Title mula sa Registry of Deeds of Bataan

2. Tax declaration at property index map mula sa Mariveles Municipal Assessor’s Office

3. Cadastral at subdivision plans mula sa DENR, Land Management Bureau, Land Registration Authority, o Registry of Deeds

4. PCGG inventory at disposition records para sa Anchor Estate Corporation

5. Deed of Sale noong Agosto 1, 2000 sa pagitan ng PCGG at Tomas Tan

6. Survey plan ng 34 ektaryang naibenta

7. SEC records ng Anchor Estate Corporation at anumang korporasyong posibleng pinaglipatan ng lupa

8. Foreshore lease, environmental permit, o special-use agreement, kung mayroon

Hangga’t hindi nakikita ang kasalukuyang titulo, hindi dapat maglabas ng tiyak na pahayag tungkol sa pagmamay-ari ng buong Talaga Beach.

Hindi lamang “Marcos Beach”

Ang pagtawag dito bilang “Marcos Beach” ay tumutukoy lamang sa isang yugto ng kasaysayan.

Hindi nagsimula ang Talaga kay Marcos. Nauna rito ang dagat, mga mangingisda, magsasaka, pamayanang baybayin, at mga sundalong dumaan o nanatili sa lugar noong digmaan.

Ang panahon ng presidential retreat ay mahalagang kabanata, ngunit hindi iyon ang buong pagkakakilanlan ng Talaga.

Ang tunay na kasaysayan nito ay binubuo ng kalikasan, kabuhayang pandagat, mga pamilyang lokal, digmaan, pambansang kapangyarihan, pribadong pagmamay-ari, agrarian reform, disposisyon ng PCGG, at mga alaala ng ordinaryong Marivelenyo.

Panawagan ng Mariveles Historical Society

Inaanyayahan ng Mariveles Historical Society ang lahat ng may kaugnayan sa Talaga Beach na ibahagi ang kanilang mga larawan, dokumento, at personal na salaysay.

Hinahanap ng MHS ang:

mga lumang larawan ng Talaga bago ang dekada 1970

larawan ng beach house, swimming pool, gate, cottages, at mga guho

dating guwardiya, hardinero, driver, sundalo, construction worker, o empleyado

mangingisdang gumagamit noon sa Talaga Bay

mga magsasaka at pamilyang nanirahan sa Sitio Talaga

mga dating may-ari o tagapangasiwa ng lupa

titulo, tax declaration, survey plan, at deed of sale

karanasan ng mga nakapasok noong panahon ni Marcos

alaala ng mga namasyal doon matapos ang 1986

impormasyon tungkol sa Anchor Estate Corporation

rekord tungkol kay Tomas Tan at sa 34 ektaryang binili niya

dokumentong magpapatunay o magpapabulaan sa sinasabing pagmamay-ari ng San Miguel Corporation

kuwento ng Talaga Bay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Ang bawat salaysay ay dapat samahan, hangga’t maaari, ng buong pangalan, edad, tinatayang taon, pangalan ng mga kasama, at dokumento o larawang makapagpapatibay rito.

Pangwakas

Ang Talaga Beach ay hindi lamang isang nawawalang resort o dating pahingahan ng isang pangulo. Isa itong mahalagang makasaysayang tanawin ng Mariveles.

Nasaksihan nito ang tradisyonal na pamumuhay sa baybayin, digmaan, industriyalisasyon, pribadong kapangyarihan, sequestration ng pamahalaan, agrarian reform dispute, bentahan ng lupa, at unti-unting pagkawala ng mga pisikal na bakas ng nakaraan.

Ang dokumentadong sagot sa tanong na “Sino ang bumili?” ay si Tomas Tan, para sa 34 ektaryang bahagi noong 2000.

Ngunit ang sagot sa tanong na “Sino ang may-ari ng buong Talaga Beach ngayon?” ay hindi pa ganap na matitiyak.

May posibleng koneksiyon kay Thomas A. Tan, na naging mataas na opisyal ng San Miguel Corporation. Ngunit wala pang titulo o opisyal na rekord na nagpapatunay na ang San Miguel Corporation mismo ang may-ari ngayon.

Ang katotohanan ay nasa kasalukuyang titulo, cadastral plan, PCGG disposition records, corporate documents, at iba pang dokumentong hindi pa nasusuri nang buo.

Tungkulin ng kasaysayang lokal na huwag magmadaling magbigay ng sagot kung kulang ang ebidensiya. Dapat hanapin hindi lamang ang kuwento ng makapangyarihan, kundi pati ang kuwento ng mga mangingisda, magsasaka, manggagawa, guwardiya, sundalo, at pamilyang tunay na nabuhay sa Talaga.

Ang Talaga Beach ay bahagi ng kasaysayan, kapaligiran, at kolektibong pagkakakilanlan ng Mariveles.

Lahat may kuwento. Ang bawat lugar ay may kasaysayang dapat hanapin, patunayan, at pangalagaan.

Pangunahing sanggunian

Korte Suprema: Samahan ng Magsasaka at Mangingisda ng Sitio Naswe, Inc. v. Tomas Tan

Supreme Court E-Library copy of the decision

Ferdinand Marcos diary entry, December 2, 1970

San Miguel Corporation Board of Directors

SMC Global Power: Mariveles Power Plant

Presidential Commission on Good Government

Provincial Government of Bataan: Mariveles

Address

36 J. Sarreal Street

2105

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Mariveles Historical Society posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Shortcuts

  • Want your organization to be the top-listed Government Service?

Share