31/08/2024
Noong ika-30 ng Agosto 2024, sa ganap na 11:00 ng umaga, matagumpay na isinagawa ang culminating activity ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Paaralang Elementarya ng Sayapot. Ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng mga g**o, mag-aaral, at ilang mga magulang.
Nagsimula ang programa sa isang pambungad na panalangin na pinamunuan ni Ginang Ginalyn S. Nopaya, Values Advocate ng Philippines Values Education Program Incorporated, na sinundan ng pag-awit ng "Ang Bayan Ko" sa pamumuno ni Ginang Alma A. Culop. Matapos nito, nagbigay ng pambungad na talumpati si Ginang Helen Buyagan, ang "school head" ng paaralan. Binigyang-diin niya sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng wika sa paghubog ng pambansang pagkakakilanlan at pagkakaisa.
Sinundan ito ng isang awitin mula sa mga mag-aaral ng ikaanim na baitang na nagpapahayag ng pagmamahal sa Wikang Pambansa. Pagkatapos ng awitin, nagtanghal ng talumpati ang Panauhing Pandangal na si Ginang Jesalyn D. Viloria, isang alumni ng paaralan. Binigyang-diin niya sa kanyang mensahe ang pagyamanin, linangin, at palaganapin ang paggamit ng Wikang Filipino sa lahat ng larangan ng buhay—sa paaralan, sa bahay, sa pamahalaan, at sa pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang pagtatanghal ng mga awit, sayaw, at ang pagsasagawa ng larong "Tanong Ko, Sasagutin Mo," kung saan aktibong nakilahok ang mga mag-aaral. Bilang pangwakas, ginawaran ang mga nagwagi sa larong isinagawa ng simpleng gantimpala. Natapos ang programa sa pamamagitan ng isang masigabong palakpakan mula sa lahat ng dumalo, bilang tanda ng kanilang pag-apruba at suporta sa pagdiriwang.
Pinamunuan ni Ginang Julia A. Mangapak ang pangwakas na panalangin upang patnubayan ng Panginoon ang bawat mag-aaral na maisabuhay ang mga natutunan sa aktibidad na ito.
Ang nasabing aktibidad ay isa na namang patunay ng tagumpay ng Paaralang Elementarya ng Sayapot sa pagtataguyod ng Wikang Pambansa at pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan ng ating bayan. Ang buong komunidad ng paaralan ay nagpapasalamat sa lahat ng nakiisa at tumulong upang maging matagumpay ang pagdiriwang na ito.