29/05/2026
𝗦𝗮𝗻𝗴𝗴𝘂𝗻𝗶𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗢𝗱𝗶𝗼𝗻𝗴𝗮𝗻, 𝗸𝗶𝗻𝗶𝗹𝗮𝗹𝗮 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗿𝘂𝗴-𝗙𝗿𝗲𝗲 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗽𝗹𝗮𝗰𝗲
𝗠𝗮𝘆 𝟮𝟴, 𝟮𝟬𝟮𝟲 | Pormal nang inilunsad ang Drug-Free Workplace Marker sa harap ng Legislative Building matapos kilalanin ang Sangguniang Bayan ng Odiongan bilang isang certified Drug-Free Workplace kamakailan.
Ang pagkilalang ito ay naging posible sa bisa ng ordinansang akda ni SB Member Jackiri Fernandez, “An Ordinance Promoting the Establishment of a Drug-Free Workplace in the Municipality of Odiongan, Romblon and Providing Sanctions Thereof,” na nagsilbing pangunahing batayan sa pagpapatupad ng mga polisiya para sa isang drug-free na institusyon sa hanay ng lokal na pamahalaan.
Kinikilala ang Sangguniang Bayan ng Odiongan bilang isa sa mga kauna-unahang tanggapan sa bayan at sa buong lalawigan ng Romblon na pormal na ginawaran ng naturang pagkilala, alinsunod sa Dangerous Drugs Board Regulation No. 13, Series of 2018 na nagtataguyod ng institutionalization ng Drug-Free Workplace Policies sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.
Pinangunahan ni SB Member Manuel “Don-don” Fernandez ang programa na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya laban sa ilegal na droga. Sa kaniyang pambungad na mensahe, binati at pinasalamatan ni Acting Vice Mayor Juvy Faderogaya ang mga dumalo at ang PDEA sa pagkilalang iginawad sa Sanggunian.
Sa kaniyang mensahe, ipinunto ni SB Member Jackiri Fernandez na ang naturang ordinansa ay nagsisilbing gabay upang mapanatili ang isang ligtas at disiplinadong lugar-paggawa para sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan.
Sa mensahe namang ibinigay ni Acting Mayor Butchoy Arevalo, pinaabot niya ang mahalagang papel ng mga halal na opisyal bilang huwaran sa pagpapanatili ng disiplina at integridad sa pamahalaan. Ayon sa kaniya, nararapat lamang na magsimula sa mga lingkod-bayan ang pagsusulong ng isang ligtas at drug-free na kapaligiran para makahikayat ng responsableng pakikilahok mula sa mga kapwa-Odionganon. Naniniwala rin siya na ang pagiging mabuting ehemplo ng mga opisyal ay mahalagang hakbang upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maisulong ang mas maayos na serbisyo para sa lahat.
Nagbigay rin ng pagbati si CSO Desk Officer Rollie Lachica bilang kinatawan ni Mayor Roger Fodra, kung saan kaniyang ipinaabot ang patuloy na suporta ng Executive Department sa mga programang isinusulong ng Sangguniang Bayan lalo na sa mga inisyatibang naglalayong itaguyod ang integridad ng serbisyo publiko at mga hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang drug-free workplace.
Samantala, sa mensaheng binigay ni PDEA Assistant Regional Director Irvin John Coderis, pinuri niya ang opisina ng Bise Alkalde at ang buong Legislative Department sa matagumpay na pagkamit ng Drug-Free Workplace certification. Dagdag pa niya, ang ganitong inisyatiba ay mahalagang ambag sa patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa isang mas ligtas, disiplinado, at responsableng bayan.