27/08/2026
🌐 BALITA | 6 KUMPIRMADONG PATAY, 3 NAWAWALA SA PAGTAOB NG MOTORIZED BANCA SA MAPANUEPE LAKE
ℹ️ SAN MARCELINO, ZAMBALES — Anim na katao ang kumpirmadong nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos tumaob ang isang motorized banca sa Mapanuepe Lake sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales, ayon sa correction at situation update na inilabas alas-4:40 ng hapon ngayong Agosto 27, 2026.
Batay sa paunang ulat, 13 indibidwal, kabilang ang driver ng motorized banca, ang sakay ng nasabing bangka. Apat sa mga ito ang nakaligtas, habang anim ang kumpirmadong nasawi—tatlong matatanda at tatlong bata.
Tatlo naman ang patuloy na hinahanap, kabilang ang isang 5-anyos na bata, isang 12-anyos na bata, at isang buntis na adulto.
Iniulat na pauwi na ang mga biktima patungong Sitio Lumibao matapos magtungo sa Buhawen Proper, kung saan nagpa-bakuna ang ilan sa Barangay Center at dumalo sa isang 4Ps meeting.
Ayon sa paunang impormasyon, tumaob umano ang motorized banca dahil sa overloading o labis na pagkarga.
Patuloy pang kinikilala ng Incident Operations Center (IOC) ang lahat ng mga biktima habang nagpapatuloy ang search and rescue operation para sa tatlong nawawalang indibidwal.
Inaasahan ang karagdagang ulat hinggil sa insidente.
Larawan: San Marcelino MPS
Ulat: Sylmar Calata Hora