19/05/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NI GOV. MUJIV HATAMAN UKOL SA KASALUKUYANG SITWASYON SA BARMM
Bismilllah
Assalamu Alaikum warah matullahi taala wa barakatu
Hindi natin maikakaila na nitong mga huling araw, nakatutok ang pansin ng lahat sa mga naglalabasang balita at ulat hinggil sa sitwasyon ngayon sa BARMM. Sa kabila ng mga ingay, ng mga espekulasyon, at ng mga nagbabadyang tensiyon, ang ating mariing panawagan sa lahat: maging mahinahon tayo. Iwasan nating dumagdag sa kung mayroon mang umiiral na di pagkakaunawaan.
Lahat tayo, bilang bahagi ng Bangsamoro, ay may sagradong tungkulin na protektahan ang BARMM. Hindi lamang ito bilang isang pisikal na institusyon o estruktura ng gobyerno. Ang BARMM ay monumento ng ating kasaysayan at produkto ng mahabang dekada ng pakikipaglaban ng ating mga mujahideen. Ito ay dinilig ng dugo, pawis, at buhay ng mga nag-alay ng sarili para sa ating kalayaan, at binuhat ng walang-sawang suporta at panalangin ng buong sambayanang Moro. Ang kapayapaang hawak natin ngayon ay hindi regalo—ito ay ipinaglaban.
Kaya naman, hindi natin dapat pahintulutan na ang ating mga pinagsumikapan ay maapektuhan ng mga panandaliang usapin o mga hidwaan na maaari namang pag-usapan. Ang kasalukuyang mga usapin sa pamamahala at transisyon ay hindi dapat maging dahilan upang tayo ay magkawatak-watak. Dapat natin itong harapin nang may katwiran, hustisya, at pagkakaisa.
Ipakita natin sa buong bansa at sa buong mundo na ang Bangsamoro ay may sapat na integridad, at may kakayahang mamahala nang may prinsipyo at mataas na pagpapahalaga sa kapayapaan. Magtulungan tayo upang masiguro na ang ating mga proseso ay magiging malinis, tapat, at mapayapa. Manatili tayong mapagmatyag, ngunit laging mahinahon.
Higit sa lahat, manatili tayong nagkakaisa. Anumang unos ang dumarating sa atin ngayon, basta’t tapat tayo sa tunay na diwa ng pakikibaka para sa kabutihan ng Bangsamoro, sama-sama nating mapagtatagumpayan ito.