29/08/2026
| ANG AMBAG NG SAN PEDRO SA PAGSISIMULA NG HIMAGSIKANG 1896
Ngayong araw ay ginugunita ang ika-130 taong anibersaryo ng Nagsabado sa Pasig at ang Labanan ng Dulumbayan. Ito ang ilan sa mga unang labanan ng Himagsikang 1896 na pinangunahan ng mga Katipunero sa mga bayan ng Pasig at Pateros. Kabilang ang isang Katipunero mula San Pedro Tunasan sa mga tumulong sa mga paghahandang ginawa rito.
Nang madiskubre ang Katipunan ng mga Espanyol noong 19 Agosto 1896, kaagad na nagpatawag ng pulong si Andres Bonifacio sa Caloocan upang pag-usapan ang kanilang mga magiging susunod na hakbang. Sa pagpupulong na ito na ginawa sa Pugad Lawin noong 23 Agosto 1896 ay napagpasyahan ng mga Katipunero na ilunsad na ang Himagsikan sa hatinggabi ng 30 Agosto 1896. Matapos nito, inutusan ni Bonifacio ang isang Katipunero na tubong-San Pedro, si Antonino Guevara na pumunta sa kanilang mga kapanalig sa Pasig, Pateros, at Taguig upang ipabatid ang mga napag-usapan sa Pugad Lawin.
Mula Pasong Tamo, dumaan si Guevara sa mga bukirin ng Barrio May-tubig, at dumeretso sa bahay ni Bernardino Costa sa Malate upang magpalit ng damit. Mula doon ay dumeretso siya sa Pateros, kung saan nakipagpulong siya sa Presidente Municipal nito na si Esteban Quiogue, at ang mga kasapi ng Katipunan doon na sina Agapito Sulit, Francisco Salva, at ang magkapatid na Manalo. Napagpasyahan nila na magsisimula ang kanilang paga-aklas sa gabi ng Sabado, 29 Agosto 1896. Pagkatapos nito, pumunta naman si Guevara sa Taguig at nakipagpulong sa Katipunerong si Macario de Ocampo, at mula doon ay dumeretso siya ng Pasig at tumuloy sa bahay ng medico na si Francisco Manalo.
Inabutan ni Guevara ang mga naganap na pag-aaklas sa Pasig, Taguig, at Pateros, kung saan nakita niya ang matinding pakikipaglaban ng mga Katipunero sa mga nasabing bayan. Ang labanan sa Pasig -- na tinawag kalaunan na "Nagsabado sa Pasig" -- ay pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz; naging matagumpay ang pag-atake ng mga Katipunero sa mga nakahimpil na Guardia Civil kung kaya't nakuha nila ang papuri ni Bonifacio. Samantala, naganap ang Labanan ng Dulumbayan sa hangganan ng Pateros at Taguig, kung saan matagumpay na inatake ng mga Katipunero ang isang patrulya ng mga Guardia Civil. Habang nagaganap ang mga labanan sa Taguig, Pateros, at Pasig ay nagaganap na rin ang pag-aaklas ng mga Katipunero sa San Felipe Neri (ngayo'y Lungsod ng Mandaluyong) at San Pedro Macati (ngayo'y Lungsod ng Makati). Kinabukasan, 30 Agosto 1896 ay dumeretso si Guevara ng Biñan at mula doon ay naglakad patungong San Pedro Tunasan. Doon niya nabalitaan na ipinaaresto siya ng mga Espanyol, kung kaya nagtago siya sa Paliparan at sa Pasong Buaya sa Cavite upang hindi siya mahuli.
Bagamat hindi direktang sumali ang mga taga-San Pedro sa mga unang yugto ng Himagsikang 1896, binanggit naman nina Anastacio Olivares at Santiago Alvarez na palihim na tumulong ang mga residente sa mga Katipunero sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga Katipunero sa Cavite. Kinanlong rin ng mga taga-San Pedro ang ilang mga matataas na pinuno ng Katipunan sa Cavite nang makubkob ito ng mga Espanyol noong 1897.
MGA SANGGUNIAN:
Alvarez, Santiago. 1992. The Katipunan and the Revolution: Memoirs of a General. Translated by Paula Carolina Malay. Ateneo de Manila University Press.
Guevara y Mendoza, Antonino. 2009. History of One of the Initiators of the Philippine Revolution. Translated by Onofre Corpuz. National Historical Institute.
Olivares, Anastacio. 1963. Kasaysayan Ng Bayang San Pedro Tunasan 1574-1961. Liberty Press Co. Inc.
x x x
Ang ay isang proyekto ng San Pedro Tourism, Culture, and the Arts Office na nagtatanghal ng mga artikulo tungkol sa kultura, sining, at kasaysayan ng Lungsod ng San Pedro. Ito ang nagsisilbing ambag ng aming Tanggapan sa mga adhikain ng Local Historical Committees Network ng National Historical Commission of the Philippines.
I-like at i-follow ang aming page upang masubaybayan ang iba pang mga programa ng aming tanggapan na patungkol sa kultura, sining, at kasaysayan ng ating lungsod.