15/03/2023
6 NA KATAO NA SAKAY NG NAWAWALANG CESSNA PLANE SA ISABELA, WALANG NAKALIGTAS AYON SA IMT
Wala umanong nakaligtas sa anim na katao na sakay ng nawawalang Cessna Plane 206 na unang napaulat na nawala noong Enero 24, 2023 sa probinsya ng Isabela.
Kinumpirma ito ni Atty. Constante Foronda Jr., Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer na itinalaga ring Incident Commander ng Incident Management Team (IMT) kasabay ng press briefing ngayong araw Marso-09.
Ayon kay Atty. Foronda Jr. pasado 11:00 kaninang umaga nang makita ng isang team ng mga rescuers kasama ang ilang Dumagat ang crash site ng naturang eroplano sa bulubunduking sakop pa rin ng Sierra Madre Mountains.
Aniya, nakita ang eroplano na hindi na buo at ang ilan sa mga pasahero ay nakasabit sa mga puno habang ang ilan ay nasa lupa.
Kaugnay nito, sinabi ni MDRRMO Chief Izikiel Chavez ng Divilacan DRRM, sa kanilang pagtataya ay posibleng aabutin ng tatlong araw bago maibaba ang bangkay ng anim na sakay ng naturang eroplano.
Agad naman umanong kinumpirma ng mga kamag-anak ng mga biktima na ang mga natagpuang bangkay ay ang kanilang mga kaanak.
Matatandaan, nawala ang eroplano hapon ng Enero-24 sakay ang limang pasahero, kabilang ang apat na magkakamag-anak na papunta sa Maconacon para sana makilamay. (Digna Bingayen)