10/02/2026
𝐏𝐔𝐒𝐎𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐋𝐀𝐇𝐈 | 𝐏𝐚𝐦𝐚𝐧𝐚 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐥𝐢𝐥𝐢𝐧𝐠𝐤𝐨𝐝
Bago pa man siya manguna sa mga pagpupulong sa komunidad, si KALAHI-CIDSS Area Coordinator Carlo Jack L. Pino, EnP, MMEP, SO2 ay isa munang batang tahimik na nakamasid sa mga gawain ng KALAHI-CIDSS noon sa Barangay Talomo, Santo Tomas, Davao del Norte.
Ang kanyang mga magulang na kapwa boluntaryo ng programa, ang unang nagmulat sa kanya sa diwa ng Community-Driven Development at sa paniniwalang may tinig at kakayahan ang karaniwang mamamayan na hubugin ang sariling kaunlaran.
Pagtungtong niya sa legal na edad, sinimulan niya ang kanyang landas sa serbisyo publiko bilang Job Order sa LGU ng Santo Tomas sa ilalim ng Municipal Social Welfare and Development Office at kalaunan bilang Data-Based Encoder ng KALAHI-CIDSS Makamasang Tugon.
Noong 2013, matapos magtapos ng kursong Bachelor of Public Administration major in Local Governance, pormal siyang naging bahagi ng programa bilang Community Facilitator ng KALAHI-CIDSS PAMANA at naitalaga sa New Corella at Pantukan, bago siya mairekomenda bilang Area Coordinator makalipas lamang ang tatlong buwan.
Taong 2022, siya ay naging Area Coordinator ng KALAHI-CIDSS at tinanggap ang hamon na tumulong sa implementasyon ng programa sa Municipality of Sarangani, Davao Occidental. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, patuloy niyang isinasabuhay ang mandato ng programa na palakasin ang lokal na pamahalaan, bigyang-kapangyarihan ang mamamayan, at bawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Sa mahigit labinlimang taon ng kanyang paglilingkod, marami na siyang karanasang hindi malilimutan sa field, kabilang ang mahahabang paglalakad sa kabundukan ng Kapalong, pagtawid sa mga ilog, at pakikipamuhay sa mga komunidad ng Ata Manobo at Dibabawon. Isa sa kanyang pinaka-pinagmamalaking karanasan ang implementasyon ng mga silid-aralan para sa mga batang Lumad sa Barangay Gupitan, mga proyektong nagbukas ng bagong pag-asa at mas maliwanag na kinabukasan.
Basahin ang buong kwento sa pamamagitan ng link na ito - https://fo11.dswd.gov.ph/2026/02/𝐏𝐔𝐒𝐎𝐍𝐆-𝐊𝐀𝐋𝐀𝐇𝐈-𝐏𝐚𝐦𝐚/