04/08/2026
San Jose, Western, Tarlac - Hindi lamang pagtatanggol sa teritoryo ang tungkulin ng isang sundalo. Kasama rin sa kanilang sinumpaang serbisyo ang paggalang sa dignidad ng bawat tao at ang mahigpit na pagsunod sa batas, kahit sa gitna ng kaguluhan at armadong tunggalian.
Sa paggunita ng 77th International Humanitarian Law (IHL) Commemoration na may temang "Pinalakas na Ugnayan at Pagkakaisa sa Pagsulong ng IHL," nakiisa ang 3rd Mechanized Infantry (Makatarungan) Battalion sa sabayang Flag-Raising Ceremony na isinagawa noong Agosto 3, 2026, sa kanilang Battalion Headquarters sa Sitio Pugo, Brgy. Burgos, San Jose, Tarlac.
Sa naturang pagdiriwang, muling pinagtibay ng mga kasundaluhan ang kanilang panata na igalang ang International Humanitarian Law na isang mahalagang batayan sa pagprotekta sa buhay, karapatang pantao, at dignidad ng bawat indibidwal, maging sa panahon ng kaguluhan.
Binigyang-diin din ng programa ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba't ibang sektor upang higit pang mapalakas ang kaalaman at pagsunod sa mga prinsipyo ng IHL, bilang bahagi ng sama-samang pagsusulong ng kapayapaan at makataong paglilingkod.
Katuwang sa paggunita ang 31st Mechanized Infantry Company, 32nd Mechanized Infantry Company, 33rd Mechanized Infantry "Hunter" Company, Armor "Pambato" Division, at 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army.
Sa likod ng kanilang uniporme ay mga taong handang isugal ang sariling kaligtasan upang mapanatili ang kaayusan, maprotektahan ang mga inosente, at mapangalagaan ang kapayapaan ng bansa.
Ang kanilang paglilingkod ay paalala na ang tunay na lakas ng isang sundalo ay hindi lamang nasusukat sa tapang sa labanan, kundi sa paggalang sa buhay, karapatang pantao, at paninindigan sa batas.
Isang taos-pusong pagsaludo sa ating mga kasundaluhan na mga tagapagtanggol ng bayan na nananatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin para sa kapayapaan, seguridad, at kapakanan ng bawat Pilipino.