03/09/2026
Nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Health (DOH) ng isang coordination meeting upang makapagbigay ng update ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) ng kani-kanilang public health interventions kasunod ng mga naranasang pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na siguraduhin na maayos ang kalusugan ng bawat Pilipino, lalong lalo na sa NCR.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tuwing tag-ulan ay nakakaranas ang Metro Manila ng mga pagbaha na naglalagay sa mamamayan sa panganib ng pagiging expose sa mga sakit gaya ng Leptospirosis kayaβt pinangunahan ng ahensiya ang nasabing pulong upang makabuo ng coordinated response at approach sa paglutas ng mga sakit na maaaring makuha dahil sa baha.
Kasunod nito, nagbahagi rin ang MMDA Flood Control and Sewerage Management Office sa pangunguna ni FCSMO Director Mark Navarro ng mga naitalang flooding incident sa Metro Manila na dulot ng mga sunod-sunod na pag-ulan.
Inisa-isa rin ng FCSMO ang mga isinasagawang regular flood management efforts ng ahensiya tulad ng pagmo-monitor ng rain at water levels, tuloy-tuloy na operasyon ng pumping stations at mobile pumps, operasyon ng individual flood gates, declogging of drainage laterals, desilting ng drainage mains, at dredging o cleaning operation sa mga creek.
Nagpasalamat naman si DOH Secretary Dr. Edwin Mercado sa MMDA at binigyang-diin ang kaniyang pagnanais na mapababa ang kaso ng mga sakit na dulot ng pagbaha sa pagtutulungan ng local at national government sa pamamagitan ng βwhole society approachβ.
Para naman kay DOH Undersecretary Gloria Balboa, malaking bagay ang pagtutulungan ng bawat ahensiya at pamahalaan sa pagpapababa at pagkontrol sa epekto ng mga maaaring makuhang sakit lalo na sa panahon ng tag-ulan.