06/05/2026
Ang Kuwenta ng Kuwento Ko sa Litrato I Entry Number 2
PAMAGAT NG LITRATO: TAGUMPAY AT PAGBANGON
Mahirap pong lumayo sa pamilya makipagsapalaran sa ibang bansa. Araw-araw kinakaharap ang pagod at lungkot. Pero dahil po sa hirap ng buhay at maraming pangarap na gustong maisakatuparan, pinili ko pong lumayo sa aking pamilya para makipagsapalaran sa ibang bansa.
Isa po sa aking pangarap noon ay ang makakuha ng kurso, makapagtapos at makakuha ng diploma. Pero hindi po iyon natupad gawa ng kapos po ang mga magulang ko sa pera noon. Di ko po natapos ang kursong gusto ko. Akala ko hindi ko na matutupad pa ang pangarap na iyon. Pero dahil sa pagiging OFW na araw-araw nagtitiyaga, nagtitiis at nagsasakripisyo, nakamit ko po ang maituturing kong isang tagumpay sa buhay ko. Nag-enroll po ako sa isang online class at kumuha ng kursong Health and Social Care Level 4. Isang beses sa isang Linggo po ang naging klase po namin at pinili ko po ang araw kung saan libre po ako. Ito po ay ang araw ng day off ko, araw po ng Linggo para kahit papaano po ay makakapagconcentrate po ako sa mga lessons po namin. Hindi po naging madali na pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Pero para sa akin wala pong mahirap sa taong may pangarap. Kahit pagod sa maghapon at puyat sa gabi.
Tuwing sweldo, inuuna kong ipadala ang malaking bahagi ng aking kinikita para sa pag-aaral ng anak ko at sa pang-araw-araw na gastusin. Ganun din po na ang pambayad sa akong matrikula. Kaya madalas tinitiis ko pong hindi bumili ng mga bagay para sa sarili ko dahil kailangan kong pagkasyahin ito para sa pamilya at pag-aaral ko. Pero nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nagbunga lahat ng pagsisikap at pagpupursige ko at dumating yong araw na nakapagtapos ako sa kursong kinuha ko at nakakuha ng diploma.
Ganun pa man hindi pa po dito nagtatapos ang tagumpay dahil araw araw parin akong bumabangon. Tuluy-tuloy parin ang pakikipaglaban sa mga suliranin sa buhay. At para sa akin, kahit araw-araw napapagod basta huwag pong susuko. Alam kong ang aking pagmamahal at dedikasyon ay magiging inspirasyon sa aking anak upang magsikap din sa pag-aaral. Kaya kailangan kong maging matatag sa kabila ng hirap.
____________________________________________
Paalala (Disclaimer): Ang paglalathala ng mga entries ay hindi nangangahulugang sila ang mga nagwagi sa patimpalak. Sa kasalukuyan, hindi pa po inaanunsyo ang mga opisyal na mananalo. Ang lahat ng entries ay dumaraan pa rin sa masusing ebalwasyon alinsunod sa itinakdang pamantayan ng patimpalak.