20/08/2024
Caluya-Caruya-Karuyan-Bigaa-Balagtas
TAGNI-TAGNING KASAYSAYAN
7. PANAHON NG MGA HAPON
Habang ang mga Pilipino ay nagpipilit na maka-akma sa kalakaran ng mga Amerikano, nagsisimula naman ang pag-usbong ng panibagong digmaan sa pagitan ng mga bansa, at sa kamalasan, hindi rin nakaiwas ang Pilipinas sa kaguluhan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Makaraang bombahin ng mga Hapones noong ika-7 ng Disyembre 1941 ang Pearl Harbor sa Hawaii, ilang oras lamang ang lumipas ay agad nilang isinunod ang maraming lugar sa Pilipinas mula sa hilagang Luzon hanggang sa Mindanao. Dumaong ang buong pwersa ng mga Hapon sa Lingayen, Pangasinan, at bagamat ipinahayag ni Mcarthur na “open city” na ang Maynila upang hindi masira ng gyera, patuloy pa ring winasak ng mga Hapon ang mga gusali sa Intramuros. Isa sa mga sinakop ng mga Hapones ang grandiosong Manila Hotel at ginawa itong himpilan ng matataas na opisyal ng kanilang hukbo.
Sinasabing maging ang kapangitan ay may maganda ring ibinubunga, at sa pagkakataong ito, isa ang taga Bigaa na si Francisco Mendoza sa mga nagkaroon ng magandang palad. Sa pagsiklab ng digmaan, napilitang lisanin ni Hen. Mcarthur ang Pilipinas at ang kanyang tirahan sa Manila Hotel, kasama ang naninilbihang tagapamahala o manager nito. Si Francisco bilang assistant ay siyang itinalagang maging bagong manager ng naturang hotel, kung saan siya pa lamang ang kauna-unahang Pilipino na humawak ng naturang posisyon mula ng itayo ang naturang hotel.
Ang mga Hapon sa kanila namang pagkubkob sa Bigaa ay nagsihimpil sa may istasyon ng tren at sa munisipyo ng Bigaa kung saan nakapwesto ang kanilang mga kanyon at ang mga sundalo na nagbabantay sa tulay ng Bigaa. Maging ang Bahay na Tisa ay ginawa nilang himpilan at kulungan ng mga nahuhuling gerilya, na nakabuti naman dahil nakaiwas ang naturang lumang bahay sa mga pambobomba ng pwersa ng Hapon. Samantala, habang nakahimpil sa Bigaa, isang kaso ng pag-aAWOL o pag takas sa pwesto ng isang sundalong kasama sa isang pangkat ng mga Hapon na Watari 31 ang natala sa report ng kanilang headquarter at ito’y naparusahan ng may anim na buwang pagkakakulong, patunay ng pagiging mahigpit ng pamahalaang Hapon maging sa kanila pa mang tauhan.
Sa pagsasanormal ng buhay sa panahon ng mga Hapon, noong Hunyo 20, 1942, matapos ang mga pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga riles ng Ferrocaril de Manila-Dagupan, agad iniutos ng Commander in Chief ng Japanese Imperial Army sa Pilipinas, na muling buksan ang ilang panig ng Ferrocaril at mga piling istasyon ng tren. Kabilang sa binuksan ang istasyon ng tren sa Bigaa, kasabay rin ng atas sa pagsasaayos ng Bigaa-Cabanatuan terminus upang makadiretso ang tren sa Cabanatuan.
Maaga pa lamang na nasasakop ng mga Hapon ang Pilipinas, ay natatag ang Hukbalahap o Hukbo ng Bayan Laban sa mga Hapon, isang pangkat ng mga Pilipino na lumalaban sa mga Hapones, at sinasabing may patnubay ng mga Intsik. Gayundin, sa pagkalupig ng mga Amerikano sa mga Hapon, at sa paglisan ni Mcarthur, sa panukala ng USAFFE ay bumuo rin ang iba pang mga kawal na Pilipino ng mga gerilyang makikipaglaban sa mga Hapon. Isa rito ang Bulacan Military Area o BMA na binuo noong 1943, na pinamunuan ni Kap. Alejo Santos ng Bustos. Isa sa maraming unit ng gerilya ng BMA ang Kakarong Regiment, na ipinangalan sa baryo ng Kakarong sa Bigaa na tanyag noong rebolusyong 1896, sakop nito ang mga bayan ng Plaridel, Guiguinto at Bigaa. Ang magubat na lugar sa may Sitio Gubat, sa nayon ng Bunsuran na dati ring sakop ng Bigaa ang isa sa mga naging kuta ng mga rebolusyonario.
Ngunit sa kabila na magkaisa ang dalawang pangkat sa adhikain laban sa mga Hapon, nagkakaroon rin sila ng hindi pagkakaunawaan gaya ng isang labanang nangyari noong Nobyembre ng 1943, sa Bunsuran, sa Bigaa, kung saan may ilang nangamatay sa panig ng mga Huk. Naniniwala ang mga lehitimong gerilya na ang mga Hukbalahap ay maka Komunista na kalauna’y magsusulong ng pakikidigma sa mga Amerikano at mismong sa sambayanang Pilipino.
Sa pagbabalik ni Mcarthur, gaya ng kanyang pangako, makaraang dumaong ang pwersa ng mga Amerikano sa Lingayen at makuha ang Pangasinan at Bataan, nagmamadali ang may 700 sundalo ng 2nd Squadron ng 8th Cavalry Regiment ng US Army 1st Cavalry Division sa pamumuno ni Lt. Col. Haskett Connor na may dalang mga tanke, mga dyip na pang giyera, mga trak, weapon carriers, kasama ang tropa ng Engineering at iba pang kagamitan, sa pagsugod sa Maynila upang habuling mapalaya ang may 3,700 na mga Pilipino at Amerikanong bihag ng Hapon sa campus ng UST. Sa kanilang pag-usad, ika-2 ng Pebrero 1945 ay narating na nila ang Bigaa, subalit naging matindi ang labanan sa Bigaa laban sa mga kaaway na Hapon. Gayon man ay nagapi nila ito sa pamamagitan ng mas superyor na mga armas, kung kaya’t isa ang bayan ng Bigaa sa Bulacan sa mga unang lumaya sa mga kamay ng Hapon. Habang namamahinga ang mga Amerikano malapit sa sirang tulay ng Bigaa, dinadalhan at inaalayan sila ng mga taga Bigaa, lalo na ng mga kababaihan, ng mga pagkain gaya ng kamote, nilagang itlog at tubig na maiinom, bilang simbulo ng pasasalamat at pagnanais ng mga taga Bigaa na makatulong sa anumang paraan, upang mapagtagumpayan ng mga sundalo ang kanilang pakay. Ang pangkat na ito ng mga Amerikano na humimpil sa Bigaa, ay matagumpay na nakarating sa Maynila at napalaya ang lahat ng bihag sa campus ng UST. Ang iba pang pangkat ng mga kawal na Amerikano ay maayos nang nakatawid sa tulay ng Bigaa na maagap na inayos ng mga Amerikano mula sa mga bahagi ng ginibang tulay ng Sulipan sa Calumpit at inilipat sa tulay ng Bigaa.