01/10/2024
📣PANOORIN: Mga Dapat Gawin Kapag May Alert Siren🚨
✅ Pagkarinig ng sirena o pagkatanggap ng alert sa IDF Home Front Command app, pumasok agad so pinakamalapit at pinakaligtas na lugar sa inyong kinaroroonan.
✅ Sa mga nasa bahay, pumasok sa bomb shelter (mamad) na karaniwang nasa basement or first floor.
✅ Maari ding pumasok sa isang protected room – isang espesyal na silid na sadyang kinapalan ang pader, bakal ang pinto, at may bakal ding harang ang mga bintana.
✅ Pagkatapos pumasok sa mamad o protected room, mahalagang isara agad ang mga bakal na pinto at bintana at i-lock ang mga ito.
✅ Kung walang mamad o protected room, pumunta sa silid na nasa gitna ng gusali, sa pasilyo, o sa hagdanan.
✅ Kung nasa gusaling may maraming palapag, pumunta sa pinakagitnang palapag. Halimbawa, sa isang gusaling may limang palapag, pumunta sa ikatlong palapag. Lisanin ang pinakatuktok na palapag at huwag mamalagi sa lobby kung marami itong bintana o dingding na salamin.
✅ Pag nasa labas ng isang gusali, dagliang pumasok sa pinakamalapit at pinakaligtas na gusali o public shelter.
✅ Kung walang malapit na gusali o public shelter, dagliang humiga sa lupa at protektahan ang ulo gamit ang mga braso.
✅ Pag nasa loob ng sasakyan, dagliang ihinto ang sasakyan at pumasok agad sa pinakamalapit at pinakaligtas na gusali o public shelter.
✅ Kung walang malapit na gusali of public shelter, ihinto ang sasakyan, lumabas agad, pumunta sa ligtas na lugar na malayo sa sasakyan, humiga sa lupa, at protektahan ang ulo gamit ang mga braso.
✅ Pag wala nang pagkakataong lumabas ng sasakyan, itabi ang sasakyan, yumuko nang mas mababa sa bintana, at protektahan ang ulo gamit ang mga braso.
✅ Pag nasa bus na bumabiyahe sa highway, ihihinto ng driver ang bus at bubuksan ang mga pinto. Yumuko nang mas mababa sa bintana at protektahan ang ulo gamit ang mga braso.
✅ Pag nasa bus na bumabiyahe sa loob ng syudad o bayan, ihihinto ng driver ang bus at bubuksan ang mga pinto. Dagliang lumabas sa bus at pumasok agad sa pinakamalapit at pinakaligtas na gusali o public shelter.
✅ Lumabas lamang sa mamad, protected room, public shelter, o sa anumang pinagkublihan lugar matapos ang sampung minuto (10 minutes) o kung tumigil na ang sirena.
Muling pinapaalala ng Embahada sa lahat ng Pilipino sa Israel na unahin ang kanilang kaligtasan at seguridad sa anumang oras o okasyon. Palagiang maging mapagmatyag, maingat, handang kumilos ng naaayon sa sitwasyon, at umantabay sa mga security gudielines ng IDF Home Front Command at safety advisories ng Embahada.
🇵🇭🤝🇮🇱