14/08/2026
News Alert
Migrant Workers Protection Bureau
𝗡𝗮𝗻𝗴𝗮𝗸𝗼 𝗻𝗴 𝗡𝘂𝗿𝘀𝗶𝗻𝗴 𝗔𝗶𝗱𝗲 𝗝𝗼𝗯, 𝗚𝘂𝗶𝗹𝘁𝘆 𝘀𝗮 𝗜𝗹𝗹𝗲𝗴𝗮𝗹 𝗥𝗲𝗰𝗿𝘂𝗶𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁
𝘊𝘢𝘭𝘰𝘰𝘤𝘢𝘯 𝘊𝘪𝘵𝘺, 𝘗𝘩𝘪𝘭𝘪𝘱𝘱𝘪𝘯𝘦𝘴 — Nahukuman at nahatulang guilty sa Illegal Recruitment si Roderick Paculdar y Reyes ng Regional Trial Court (RTC) Branch 126, Caloocan City, matapos mangako ng trabaho bilang nursing aide sa Singapore kapalit ng daan-daang libong piso.
Ayon sa desisyon ng korte, nakapagbayad ang complainant ng mahigit ₱700,000.00 mula Marso hanggang Abril 2024 matapos kumbinsihin ni Paculdar na kaya nitong ayusin ang kanyang deployment sa Singapore.
Sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) – Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), natuklasan na hindi affiliated o empleyado ng isang licensed recruitment agency si Paculdar at wala siyang lisensya o awtoridad na magsagawa ng recruitment at deployment para sa overseas employment.
Mula sa pagkuha ng statement at paghahanda at pagsasampa ng kaso hanggang sa paglilitis, patuloy na nagbigay ng legal assistance ang DMW sa complainant. Kinatawan din ng DMW ang kaso bilang special collaborating prosecutor, katuwang ang DOJ prosecutor, sa mga pagdinig ng korte.
Sa tulong ng DMW, naiulat ng complainant ang insidente sa Caloocan City Police. Nang humingi pa ang akusado ng karagdagang ₱6,500.00, isinagawa ang entrapment operation noong 18 Abril 2024 sa labas ng Jollibee, SM City Grand Central, Caloocan City. Narekober mula sa possession ng akusado ang marked money na naging bahagi ng ebidensiyang iniharap sa korte.
Batay sa desisyon, napatunayang guilty si Paculdar sa Illegal Recruitment matapos mapatunayan na wala siyang kinakailangang lisensya o awtorisasyon upang magsagawa ng recruitment at placement, alinsunod sa mga probisyon ng Labor Code at Republic Act No. 8042, as amended by RA No. 10022.
Hinatulan siya ng 14 na taon at isang araw hanggang 16 na taon na pagkakakulong, bukod sa ₱1,000,000.00 na multa. Inatasan din siyang bayaran ang complainant ng ₱737,357.00, kasama ang 6% legal interest bawat taon, alinsunod sa desisyon ng korte.
Muling nagpapaalala ang DMW sa mga naghahanapbuhay sa ibang bansa na mag-verify muna bago magbayad. Tiyaking lisensyado at awtorisado ng DMW ang recruiter o recruitment agency at agad ireport ang kahina-hinalang recruitment activities sa https://www.facebook.com/dmwairtip.