28/08/2026
ABISO SA PUBLIKO:
Agosto 28, 2026
Kaugnay ng banta ng habagat at Low Pressure Area (LPA) 08i, nagbigay babala ang Office of Civil Defense (OCD) sa posibilidad ng malalakas na pag-ulan sa kanluran at hilagang bahagi ng Luzon.
Ayon kay Assistant Secretary Bernardo Rafaelito R. Alejandro IV, maaaring makaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang ilang lugar sa Luzon kabilang ang Zambales, Bataan, Benguet, La Union, Occidental Mindoro, Ilocos Region, Pangasinan at Abra mula ngayong araw hanggang Agosto 31.
Posible naman ang katamtamang pag-ulan sa National Capital Region (NCR), Gitnang Luzon at CALABARZON.
Nagbabala ang OCD na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig, gayundin sa mga lugar na may mataas na tyansa ng pagguho ng lupa.
Patuloy ang monitoring ng OCD at koordinasyon nito sa iba pang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para sa agarang pagtugon sa mga posibleng epekto ng sama ng panahon.
Inihahanda rin ang mga response assets at resources sa mga posibleng maapektuhang lugar, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), mga uniformed services at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Pinapayuhan din ng OCD ang publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, regular na subaybayan ang opisyal na lagay ng panahon at ipagpaliban muna ang hindi kinakailangang pagbiyahe.