05/12/2022
𝗕𝗔𝗦𝗔𝗛𝗜𝗡 | 𝗙𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝗲𝗹𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁𝗮𝗿𝘆 𝗹𝗲𝗮𝗿𝗻𝗲𝗿𝘀, 𝘄𝗮𝗴𝗶 𝗻𝗴 𝗯𝗿𝗼𝗻𝘇𝗲 𝘀𝗮 𝗪𝗼𝗿𝗹𝗱 𝗥𝗼𝗯𝗼𝘁 𝗢𝗹𝘆𝗺𝗽𝗶𝗮𝗱 𝟮𝟬𝟮𝟮
LUNGSOD NG PASIG, Nobyembre 30, 2022 – Limang mag-aaral mula sa dalawang pampublikong elementarya sa Quezon City ang nagkamit ng bronze medals sa World Robot Olympiad (WRO) na ginanap sa Dortmund, Germany nitong Nobyembre 17-19, 2022.
Umani ng bronze score ranking ang robotics team ng Betty Go-Belmonte Elementary School (BGBES)—na kinabibilangan nina Angelina Phoebe Castañeda, Mikaella Jannielle Sevilla, at Joem Fugaban—sa Robo Mission category kung saan ang mga kalahok ay magdidisenyo, bubuo, at magpo-program ng autonomous robot na lulutas ng mga hamon sa field.
Samantala, nasungkit naman nina Abisha Beatrix Florante at Zurina Mae Clemente ng Project 6 Elementary School (P6ES) ang ikalawang bronze medal ng bansa sa Future Innovators category matapos nilang bumuo ng robot na hahalili sa mga tao sa rescue missions sa panahon ng sakuna.
Pinuri ni Coach Michael Armentia ng BGBES ang kanyang team sa pinakitang galing sa kanilang kauna-unahang kompetisyon sa ibang bansa.
“Kayang-kaya ng mga student natin makipagsabayan with other countries when it comes to robotics,” saad ni Coach Armentia.
Binigyang-diin naman ni P6ES Coach Shiela Rosa ang kahalagahan ng pagsali ng mga Pilipinong mag-aaral sa global competitions.
"Competing on the international platform brings so much joy and excitement to us and of course, pride to our country. This opportunity gives us access to new knowledge and builds confidence,” ani Coach Rosa na naghahangad din na mas marami pang paaralan ang magkaroon ng robotics laboratories.
Ang WRO ay isang annual robotics competition para sa mga batang edad 8 hanggang 19. Layunin ng kompetisyon na isulong ang robotics sa STEM education sa buong mundo at tumulong sa pagpapayaman ng creativity, design, at problem-solving skills ng kabataan sa pamamagitan ng challenging at educational na robot competitions at mga aktibidad.