30/06/2026
PAHAYAG NG PAMPANGA POLICE PROVINCIAL OFFICE KAUGNAY SA POLICE OPERATION SA ARAYAT
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa ang mga operatiba ng Pampanga Police Provincial Office ng lehitimong police operation sa Brgy. San Juan Bano, Arayat, Pampanga nitong Hunyo 27, 2026, bilang agarang pagtugon sa ulat hinggil sa pagpapaputok ng baril ng isang grupo ng mga armadong kalalakihan at sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril.
Sa pagresponde ng mga operatiba sa lugar, pinaputukan umano sila ng mga armadong indibidwal na nagbunsod ng armadong engkwentro. Alinsunod sa umiiral na police operational procedures, gumamit ng naaangkop na pwersa ang mga pulis upang mapangalagaan ang kanilang sarili at maisagawa ang kanilang tungkulin.
Matapos ang palitan ng putok, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga sumusunod na matataas na uri ng armas at pampasabog: Isang (1) Caliber .45 Pistol; Isang (1) M16 R***e; Isang (1) 12-Gauge Sh***un; Isang (1) Caliber .38 Revolver; Isang (1) Carbine R***e; at Isang (1) Hand Gr***de.
Apat na suspek ang nasugatan sa insidente at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon. Kabilang sa kanila ang isang dating miyembro ng makakaliwang armadong grupo na naitalang sumuko sa pamahalaan noong 2018. Kasalukuyan silang nasa ilalim ng mahigpit na kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang mga kaukulang kasong kriminal laban sa kanila.
Patuloy din ang pagsusuri ng Pampanga Forensic Unit sa pinangyarihan ng insidente upang matukoy kung may kinalaman ang mga nakasamsam na armas sa iba pang nakaraang krimen sa rehiyon.
Muling pinagtitibay ng Pampanga Police Provincial Office ang pangako nitong ipatupad ang batas nang may buong paggalang sa karapatang pantao, mahigpit na pagsunod sa due process, at walang pag-aalinlangang pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan.