11/05/2026
HIRAYA 2026, MATAGUMPAY NA INILUNSAD NG SK CABAS-AN
CABAS-AN, AROROY, MASBATE — Matagumpay na idinaos ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Cabas-an ang Holistic Initiative for Responsible and Youth Action o HIRAYA 2026 nitong Mayo 2, 2026, sa Barangay Cabas-an, Aroroy, Masbate.
Ang HIRAYA 2026 ay ang pinagsama-samang programa at proyekto ng SK Cabas-an para sa taong 2026, na naglalayong palakasin ang pakikilahok ng kabataan sa pamamahala, kapayapaan, edukasyon, kalikasan, at kalusugan alinsunod sa Republic Act No. 10742 o ang SK Reform Act of 2015.
Mga pangunahing aktibidad na bumubuo sa HIRAYA 2026:
1. Katipunan ng Kabataan (KK) Assembly – Dito tinalakay ang iba’t ibang isyu at alalahanin hinggil sa pamamahala ng Sangguniang Kabataan. Ang KK Assembly ay taunang pagtitipon na itinatadhana ng batas upang maging bukas na espasyo para sa boses at suhestiyon ng mga kabataan sa barangay.
2. Kabataan Kontra Droga at Terorismo Symposium – Tinalakay ng panauhing tagapagsalita mula sa Philippine Army ang kahalagahan ng kapayapaan at kaayusan para sa tunay na kaunlaran ng pamayanan, at ang mahalagang papel na dapat gampanan ng kabataan upang makamit ang mithiing ito. Ang inisyatibong ito ay kaugnay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng kampanya kontra ilegal na droga.
3. “Balik Skwela” Program – Namahagi ng libreng school supplies ang SK Officials sa mga high school student ng barangay upang makatulong sa kanilang pag-aaral at maibsan ang gastusin ng mga magulang ngayong pasukan.
4. Kampanya sa Kalinisan – Namahagi ng mga basurahan sa iba’t ibang tanggapan ng barangay bilang bahagi ng inisyatiba para sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng pamayanan.
5. “SKwela Program” – Namahagi ng financial assistance para sa mga college student ng Barangay Cabas-an bilang suporta sa kanilang edukasyon sa kolehiyo at paghikayat na ipagpatuloy ang pag-aaral.
6. Pagpapahalaga sa Kalusugan – Nagbigay ng mga gamot at medisina sa Barangay Health Center bilang pagbibigay-prayoridad sa kalusugan ng mga residente, alinsunod sa tungkulin ng SK na itaguyod ang health programs sa barangay.
Ang programa ay dinaluhan din ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Hon. Eduardo P. Morado at Barangay Administrator Mrs. Sylvia Cabarles. Dumalo at nagbahagi rin ng datos pangkalusugan si Designated Nurse Ma’am Aila Oliva kasama ang mga Barangay Health Worker.
Sa kabuuan, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan ng Cabas-an sa lahat ng kabataang dumalo at naging bahagi ng makasaysayang aktibidad na ito.
Ang HIRAYA 2026 ay patunay ng aktibong pamumuno ng SK Cabas-an at ng pagkakaisa ng kabataan at pamahalaang barangay para sa progresibong pamayanan.
-an -an