31/07/2026
"Ang g**o ang ilaw ng tahanan ng karunungan." Isang katagang nagpapaalala na ang g**o ang tanglaw na nagbibigay-liwanag sa landas ng karunungan. Ngunit sa paglipas ng panahon, tila ang ilawang minsang naging tanglaw ng bawat pangarap ay unti-unti nang nauupos, hindi dahil nawala ang alab ng mga g**o na magturo, kundi dahil unti-unting hinihipan ng makabagong panahon ang liwanag ng kanilang bokasyon.
Ang mga g**o ay hindi lamang tagapagturo. Sila ang ilawang unang sumasalubong sa dilim ng kamangmangan, ang ningas na nagbibigay alab sa mga pangarap, at ang tanglaw na gumagabay sa bawat hakbang ng kabataan. Sa bawat ospital na may doktor, sa bawat hukuman na may abogado, sa bawat tulay na itinayo ng inhinyero, at sa bawat pinunong naglilingkod sa bayan, may isang ilawang minsang nagbigay-liwanag sa kanilang pangarap. Isang g**ong nagturo hindi lamang ng mga aralin, kundi ng dangal, disiplina, at respeto. Ngunit paano magbibigay-liwanag ang isang ilawang unti-unti nang pinapatay ng hangin ng pang-aabuso, pananakot, at kawalang-paggalang?
May mga g**ong pumapasok sa paaralan hindi lamang bitbit ang mga aklat at aralin, kundi pati ang pangambang baka ang simpleng pagsaway ay mauwi sa reklamo, ang pagtutuwid ay mapagkamalang pang-aapi, at ang pagdidisiplina ay maituring na paglabag. Unti-unti, ang dating maalab na ilawan ay pinipigilang magningning ng takot at kawalang-katiyakan.
Hindi kailanman naging kaaway ng karapatan ang disiplina. Ang tunay na disiplina ay hindi apoy na nanununog, kundi liwanag na gumagabay. Hindi ito tanikala sa kalayaan, kundi direksiyong nagtuturo kung paano gamitin ang kalayaan nang may pananagutan.
Ang Child Protection Policy ay isang mahalagang ilaw na nagbabantay sa kapakanan ng kabataan. Nararapat lamang itong pangalagaan at ipatupad. Ngunit ang pagprotekta sa mga mag-aaral ay hindi dapat maging dahilan upang mapabayaan ang mga g**ong araw-araw na humuhubog sa kinabukasan ng kabataan. Ang karapatan ng isa ay hindi dapat maging anino na tatabing sa dignidad at seguridad ng iba.
Makakamtan lamang ang karangalan at karapatan ng mga g**o ng bayan kung magkakaisa ang mga magulang, paaralan, pamahalaan, at buong lipunan. Sapagkat ang ilawan ng karunungan ay sinisindihan sa tahanan, pinananatiling nagniningas sa paaralan, at pinagyayaman ng buong lipunan.
Sulat at Grapika ni ๐๐๐๐ซ๐ญ ๐๐ง๐ญ๐จ๐ง๐๐ญ๐ญ๐ ๐๐๐ฌ๐ฎ๐ซ๐ซ๐๐๐๐ข๐จ๐ง