15/09/2026
| Farm-fresh pugo eggs hatid ng CRCFIA
Sa Barangay Basbasa, Tayum, Abra, patuloy na pinauunlad ng Catongaaan, Ramramot, Calcalinga Farmers Irrigators Association, Inc. (CRCFIA) ang kanilang quail egg production project sa tulong ng Department of Agriculture โ Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program.
Araw-araw, umaani ang samahan ng mahigit limang kahon ng pugo eggs, na may 100 piraso kada kahon. Sa maayos na pag-aalaga at tamang pamamahala, napapanatili ng CRCFIA ang tuloy-tuloy na produksyon ng kanilang farm-fresh pugo eggs para sa kanilang mga buyers.
Bahagi ng kanilang regular na gawain ang pagpapakain at pagdidilig nang tatlong beses sa isang araw, paglilinis ng mga kulungan at lalagyan, pagbibigay ng vitamins, at masusing pagmo-monitor sa kalagayan ng mga pugo. Gumagamit din sila ng shade nets upang mapanatiling komportable at maayos ang kalagayan ng flock.
Ayon kay Prumencio C. Gandeza, Presidente ng CRCFIA, mahalaga ang regular na pagtingin at pag-aalaga sa mga pugo upang mapanatili ang magandang produksyon. Sa tuloy-tuloy na disiplina at tamang management, patuloy na nakakabuo ang samahan ng maaasahang supply ng pugo eggs at dagdag na kita para sa kanilang enterprise.
Ang proyekto ng CRCFIA ay naitatag sa ilalim ng DA-SAAD support, na kinabibilangan ng production facility, inputs, training, at humigit-kumulang 800 pugo. Sa pamamagitan nito, mas napagtibay ang kanilang kakayahang magpatuloy sa produksyon at makapaghatid ng dekalidad na pugo eggs sa merkado.
Para sa presyo, availability, at orders, maaaring makipag-ugnayan sa Catongaaan, Ramramot, Calcalinga Farmers Irrigators Association, Inc. (CRCFIA) sa Brgy. Basbasa, Tayum, Abra, o sa mga kinauukulang DA-SAAD implementers sa lugar.
Source: Arden S. Taltala, DA-SAAD CAR Information Officer