10/05/2026
CHED, tugunan ang krisis sa edukasyon, itakwil ang huwad na reporma sa edukasyon!
Noong ika-5 ng Mayo 2026, nilatag ng Comission on HIger Education (CHED) ang “Reframed” General Education (GE) Curriculum na pag-iisahin, tatanggalin, at babawasan ang mga GE sa mga pribado at pampublikong mga institusyon. Sa ilalim ng panukala babawasan ang mga GE yunit mula sa 36 ngayon hanggang sa 18 na lamang ngayon. Katwiran ng CHED na nais ihanda ng reframed na kurikulum ang mga gradweyt para tumugon ang mga gradweyt sa nagbabagong job market. Outcomes-based education ang nais nitong paigtingin, o ang pagbubuo ng mga kakayahan sa mga estudyante na maging murang lakas-paggawa. Lubos na kinokondena ng ACS-UPB ang panukala na ito at bagkus nananawagang magsulong ng makabayan, siyentipiko, at maka-masang tipo ng edukasyon.
Ang tanging “outcome” na nais ng CHED sa panukala ay maging marketable at hireable ang mga estudyante at lubos na nagkukulang sa pagtuturo ng kritikal na pag-iisip, pagiging-makatao, at literasi. Ang panukala ng CHED ay tuluyan lamang na papalalain ito dahil ang mga pundamental na aralin tulad ng Kasaysayan ng Pilipinas, Rizal, Pilosopiya, Sining, at Matematika sa iisang 3-yunit na asignatura ay tatalakayin na lamang nang malawakan sa pagtuturo ng aanim na panukalang GE. Magiging mababaw lamang ang kaalaman at hindi mapapalago ang interes ng mga estudyante sa bawat GE na nais nilang pagsamahin. Malaking kasayangan ito dahil natatanging obligasyon ng kolehiyo ang turuan ang mga estudyante nito ng mga kasanayan sa kanilang area, maging ang mga kritikal na perspektiba ukol dito. Nasasadlak lamang ang sistema sa edukasyon sa represibong pag-iisip ngayong panukalang tipirin ang mga estudyante sa asignatura ng agham-panlipunan at humanidades na kailangan nito.
Alang-alang rin daw ito sa pagtatanggal umano ng mga nag-uulit na asignatura mula pa sa senior at junior high school. Maaalala ang huling mga reporma sa GE sa ating pamantasan noong 2016, kung saan ibinaba sa 36-yunit na GE scheme noong pagtatatag ng K-12. Tinanggal ang pagtuturo ng Kasaysayan at Filipinong naituro na umano na nang mas maaga. Sa praktika, kailangang tuntungan ang mga asignatura katulad ng Arts at Ethics sa iba’t ibang antas upang maikintal nang husto sa mga estudyante ang halaga ng mga ito habang umuunlad ang kanilang kaisipan at nalalapit sila sa pagtratrabaho. Katulad dati, kailangan ding punahin ang realidad na maraming mga g**o ang nadisplace dahil hindi na sila “kailangan” sa bagong kurikulum. Bagamat may pinakitang upskilling scheme ang CHED, wala itong plano para sa mga nagtuturo ng Arts. Pagpapasa lamang ito ng pasanin sa mga institusyon at mga g**o na sumunod sa lumalakas na dikta ng merkado at komersyante.
Sa makikita sa kasalukuyan, hindi tinutugunan ng CHED ang matinding krisis sa edukasyon sa panukala sa mga GE, bagkus pinapalala ito. Hindi pagbabawas sa GE ang kailangan ng mga estudyante; kailangan nila ng pag-aalaga sa kakayahan at kaisipan. Paano nila ito magagawa? Una, makiisa sila sa pagtaas ng gobyerno sa budget ng edukasyon at paramihin ang magtratrabahong mga g**o, pag-aaraling estudyante, at pasilidad na kailangan. Bilang isang komisyon, mandato nilang magsulong ng mga repormang nakatuon sa pagtugon sa pangangailangan ng Pilipinas, hindi ng banyagang employer. Ang pagpaparami naman ng trabaho sa bansa ay dapat magmula sa pagtatatag ng pambansang industriya na matututunan ng mga estudyante sa kolehiyo. Hindi ito maaaring ipasa nang walang maayos na konsultasyon sa mga institusyon, g**o, at estudyante at pag-aaral ng mga epekto nito. Kailangan pang makiisa sa malawak na sangkaestudyantehan na depensahan pa lalo ang karapatan sa edukasyon mula sa repormang hungkag sa pangangailangan ng mga estudyante.
Kaya, itinataas ng ACS-UPB ang panukalang pagtatatag ng isang makabayan, siyentipiko, at maka-masang tipo ng edukasyon sa bansa. Makabayan dapat sa tuon ng pagtuturo sa kasaysayan, panitikan, at realidad ng Pilipinas, at huhubog ng kanilang kontribusyon at pagmamahal sa bansa. Siyentipiko sa pagiging tapat nito sa pangangailangan ng lipunan, mga mamamayan, at ng mga estudyante. Panghuli, maka-masa na dapat libre, aksesible, at kalidad ang edukasyon sa lahat ng antas.
Education not for sale!
We are not for sale!