17/10/2022
Mga sim cards na 'di mapapa-rehistro, made-deactivate sa ilalim ng Sim Card Registration Law
KORONADAL CITY — MADE-DEACTIVATE ang isang sim card sakaling mabigo ang may-ari nito na ipa-rehistro sa ilalim ng bagong batas na Sim Card Registration Law.
Ito ang nilinaw ni Engr. Froilan Jamias, Regional Director ng National Telecommunications Commission -12 sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal.
Ayon kay Jamias, obligado ang isang user na iparehistro ang kanyang simcard sa loob ng 180 araw sakaling ipatutupad na ang batas.
Sakali umanong mabigo, hindi na nito magagamit ang kanyang simcard dahil made-deactivate na ito.
Nilinaw naman nito na libre ang pagpapa-rehistro ng sim card sa kada telecommunication companies kagaya na lamang ng Smart, TM, Globe, Dito, TNT, PLDT at iba pa.
Kabilang sa requirement para sa registration ay governent ID at form mula sa mga telecommunication companies.
Sa ngayon, hinahanda na umano ng NTC ang Implementing Rules and Regulation upang masimulan ang registration ng mga sim cards sa ilalim ng bagong batas.