10/06/2026
MGA ISKAWTS NG E.C. BERNABE NHS, NANININDIGAN SA PANATA NG PAGLILINGKOD
Patuloy na naglilingkod sa E.C. Bernabe National High School ang ilang Scout kahit sila ay nagtapos na at lumipat na ng paaralan, bilang pagpapakita ng katapatan at pagpapahalaga sa organisasyong humubog sa kanilang pagkatao.
Ayon kay RS Danica Rence P. Llait, alumni ng E.C. Bernabe National High School, ipinagpapatuloy niya ang kanyang paglilingkod dahil aniya, “Dito ako nagsimula at naging ganap na Rover Scout,” kaya patuloy siyang naglilingkod sa paaralan. Idinagdag din niya na pinanghahawakan niya ang aral ng kanilang Vigil Master na “ang rover ay hindi marunong humindi,” dahilan upang patuloy nilang isagawa ang kanilang tungkulin sa paaralan o komunidad.
Samantala, sinabi ni John Rick Tutol, unang Rover Leader ng E.C.B.N.H.S. Rover Scouts - Rover Circle 5024 at nagtapos noong 2026, na nananatili siyang tapat sa kanyang pinanggalingan. Ayon sa kanya, “Kung kaya ko pa tumulong, tutulong ako. Para sa 5024.” Binigyang-diin din niya ang kasabihan ni G*t. Jose Rizal na “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan,” na nagsisilbing gabay sa kanyang patuloy na paglilingkod. Dagdag pa niya, nais niyang makita ang pag-unlad ng mga kabataang scout na susunod sa kanilang mga yapak.
Ibinahagi rin ni Harvie Insigne, isang Rover Scout at alumni ng paaralan, na “Malaki ang naging bahagi ng scouting sa aking pagkatao,” dahil dito niya natutuhan ang disiplina, responsibilidad, at pagmamalasakit sa kapwa. Dagdag pa niya, “Nananatili sa aking puso ang diwa ng scouting,” kaya patuloy siyang nagbabalik upang ibahagi ang kaniyang kaalaman at karanasan sa mga kasalukuyang scout.
Kabilang din sa mga nagpapatuloy sa paglilingkod si Yellenah Maria Dejucos, dating mag-aaral ng E.C. Bernabe National High School at kasalukuyang Chief Girl Scout. Ayon sa kanya, “Tuwing nakakatulong ako sa iba, nakakaramdam ako ng saya.” Para sa kanya, ang paglilingkod bilang Scout ay isang tungkuling ginagawa niya nang may pagmamalaki at buong puso.
Sa kabila ng pagtatapos ng pag-aaral at paglipat ng ilan sa ibang paaralan, pinatutunayan ng mga Scout alumni na ang diwa ng scouting ay hindi natatapos sa loob ng silid-aralan. Sa halip, ito ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng kanilang walang sawang paglilingkod, paggabay sa susunod na henerasyon at pagsasabuhay ng panatang Scout na handang tumulong sa kapwa sa lahat ng pagkakataon.
✍🏻 : Peñaflor, Lou Mheigan, S.