24/08/2026
𝗕𝗔𝗧𝗔𝗡𝗚𝗔𝗦 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗞𝗜𝗡𝗜𝗟𝗔𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗛𝗔𝗟𝗔 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗦𝗨𝗥𝗔 𝗔𝗧 𝗥𝗘𝗖𝗬𝗖𝗟𝗜𝗡𝗚
Kinilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Environmental Management Bureau (EMB) CALABARZON ang Pamahalaang Lungsod ng Batangas dahil sa natatanging pamumuno at commitment nito sa pangangalaga ng kapaligiran, partikular sa pagpapatupad ng mga programa kasama ang mga waste diverter at recycler.
Iginawad sa Batangas City ang Plaque of Recognition bilang pagkilala sa mga hakbang nito sa wastong pamamahala ng basura, pag-recycle at pagsusulong ng plastic circularity o muling paggamit ng plastik upang mabawasan ang plastic pollution.
Iginawad ang pagkilala sa isinagawang Environmental Summit noong Agosto 20. Iprinesenta naman ni City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Oliver Gonzales ang plaque kay Mayor Marvey Mariño sa Flag Ceremony ng pamahalaang lungsod ngayong Agosto 24.
Kabilang sa mga kinikilalang programa ng lungsod ang Trash to Bigas Program, na humihikayat sa mga residente na mag-ipon at magdala ng recyclable waste kapalit ng bigas. Bukod sa direktang tulong na bigas sa mga kalahok, nakakatulong din ito sa pagbawas ng basurang napupunta sa mga kalsada, daluyan ng tubig at iba pang lugar.
Ang Trash to Bigas ay inisyatiba ni Mayor Marvey Mariño at ipinatutupad ng Office of the CENRO sa pakikipagtulungan ng mga waste diverter at recycler.
Simula nang ilunsad noong Hulyo 2025, mahigit 2,000 residente mula sa 67 barangay na ang nakinabang sa programa. Mahigit 75,000 kilo ng bigas naman ang naipamahagi kapalit ng humigit-kumulang 90,000 piraso ng recyclable wastes( PIO Batangas City).