01/06/2026
๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐ ๐๐-๐ | ๐ฐ๐๐๐๐ ๐ซ๐๐๐๐
๐๐๐ ๐ซ๐๐๐๐๐๐: ๐ฒ๐๐๐๐๐๐๐
๐ ๐๐ ๐ท๐๐๐ ๐๐ ๐บ๐๐๐๐๐๐๐
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-sampung anibersaryo ng Department of Information and Communications Technology (DICT), inilunsad ang Kapihan sa DICT kasabay ng pagbubukas ng National ICT Month 2026 na may temang "Isang Dekadang Digital: Konektado sa Puso at Serbisyo", ngayong 01 Hunyo 2026.
Sa pangunguna nina Atty. Carlo Paolo P. Murcia (Officer-in-Charge) at Dir. Joseph L. Teston (Assistant Regional Director) ng DICT CALABARZON Regional Office, naging sentro ng talakayan ng Kapihan sa Region IV-A ang pagdiriwang ng isang dekada ng makabago, inklusibo, at makataong serbisyong digital para sa bawat Pilipino. Binigyang-diin din ang pangunahing pilar ng adbokasiya ng rehiyon simula sa pagpapalawak ng koneksyon sa pamamagitan ng patuloy na paglalatag ng maaasahang imprastraktura ng komunikasyon sa buong rehiyon. Kaakibat nito ang pagpapalakas ng digital na kakayahan upang magbigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa teknolohiya para sa mga mamamayan nang sa gayon ay makasabay ang lahat sa makabagong panahon. Higit sa lahat, isinusulong ang paglalapit ng serbisyong may malasakit upang matiyak na ang mga digital na solusyon ng pamahalaan ay mararamdaman ng lahat at walang Pilipinong maiiwan sa digital na pag-unlad.
Ang makabuluhang talakayan ng Kapihan sa DICT Region IV-A ay dinaluhan ng Philippine Information Agency CALABARZON, Philippine Information Agency - Batangas, Radyo Totoo/ Spirit FM Radio Station, Brigada Batangas, Dyaryo Veritas, Frontpage Online News, Balisong Channel, Kabayan News, Batangas Provincial Public Information Office at Batangas City Public Information Office.
Ipinapakita ng pagtitipong ito na ang ICT ay hindi lamang usapin ng teknolohiya, kundi ng pagkakaisa at tapat na paglilingkod na nakatutok sa kapakanan ng publiko. Ang lahat ng tagumpay na ito ay bunga ng pakikipagtulungan sa mga katuwang na Pambansang Ahensya ng Pamahalaan (NGAs), Lokal na Pamahalaan (LGUs), Estado ng Kolehiyo at Unibersidad (SUCs), at maging ang mga pribadong organisasyon. Ang pakikipagkapit-bisig at pakikipagtulungan mula pa noon ang tunay na nagpabilis sa paghahatid ng digital na transpormasyon at sa pag-abot ng ating iisang mithiin para sa buong rehiyon.
Ang nagdaang sampung taon ay simula pa lamang ng mas malawak na transpormasyon. Baon ang dedikasyon at pusong naglilingkod, buong-lakas na haharapin ng DICT CALABARZON ang mga susunod pang hamon ng makabagong panahon upang ihatid ang mas inklusibong digital na bukas para sa bawat mamamayan ng rehiyon.