22/08/2026
Trash-to-Bigas: Tulong sa Pagbawas ng Basura at Mas Mabilis na Paghupa ng Baha
Nakatutulong ang Trash-to-Bigas Program ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas sa pagbabawas ng basurang nakapagpapabara sa mga daluyan ng tubig, na nag-aambag sa mas mabilis na paghupa ng tubig-baha sa mga pangunahing lansangan, lalo na sa panahon ng tuloy-tuloy at malakas na pag-ulan.
Sa pamamagitan ng programa, hinihikayat ang mga mamamayan na mag-ipon ng kanilang mga recyclable waste upang ipalit sa bigas. Bukod sa direktang tulong sa mga pamilya, nakatutulong din ito sa pagbawas ng basurang napupunta sa landfill at sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.
Puspusan ang pagpapatupad ng programa sa pangunguna ng Office of the City Environment and Natural Resources (OCENRO) bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaang lungsod sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng maayos na daloy ng tubig sa mga drainage, canal at iba pang daluyan ng tubig.
Ngayong araw, isinagawa ang Trash-to-Bigas Program sa Barangay Tulo, kung saan 45 residente ang nakinabang. Umabot naman sa 34 na sako ng bigas ang naipamahagi kapalit ng mga nakolektang recyclable waste.