17/10/2026
Pangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagsasagawa ng full-scale earthquake and tsunami exercise sa Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Nobyembre 5, 2026, alas-9 ng umaga, bilang bahagi ng paghahanda ng bansa sa banta ng lindol at tsunami.
Gaganapin ang full scale exercise sa Sta. Ana, Cagayan bilang pangunahing pilot area, kung saan susubukin ang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan, uniformed services, responders, mga lokal na pamahalaan, at komunidad sa pagpapatupad ng mga disaster response procedure at contingency plan. Kabilang sa mga isasagawang aktibidad ang community evacuation, search, rescue and retrieval operations, logistics management, at iba pang aspeto ng response operations.
Kasabay nito, magsasagawa rin ng mga earthquake and evacuation drill ang mga komunidad sa iba't ibang bahagi ng bansa sa pangunguna ng OCD Regional Offices.
Hinihikayat ang publiko na makilahok sa NSED, alamin ang mga itinalagang evacuation route, at bumuo ng family preparedness plan bilang paghahanda sa banta ng lindol.