24/05/2026
https://www.facebook.com/share/p/18Vwfh6L2r/
NSFW: NOT SAFE FOR WORKERS!
30-40 KATAO, NATABUNAN SA GUMUHONG GUSALI SA ANGELES, PAMPANGA
Bandang alas-3 ng madaling araw ngayong Mayo 24, 2026, gumuho ang isang hotel construction site sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga. Tinataya ng foreman na aabot sa 40 manggagawa ang natabunan sa ilalim ng gumuhong gusali habang nasa trabaho. Muli nitong inilalantad ang mapanganib at hindi ligtas na kalagayan ng mga manggagawa sa mga construction site sa bansa.
Mariing kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang patuloy na pagpapabaya ng rehimeng Marcos sa karapatan ng mga manggagawa sa ligtas na lugar-paggawa. Hindi simpleng “aksidente” ang ganitong trahedya kundi resulta ng kawalan ng sapat na safety measures, mahinang pagpapatupad ng occupational safety and health standards, at prayoridad sa tubo kaysa buhay ng manggagawa. Habang kumikita ang malalaking contractor at developer, mga manggagawa naman ang inilalagay sa matinding panganib.
Kagyat na dapat ibuhos ang lahat ng kinakailangang rekurso para sa search and rescue ng mga manggagawa at iba pang biktima ng trahedyang ito. Dapat ding agad na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang contractor, developer, at mga opisyal ng gubyerno na nagpabaya sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa. Panahon nang gawing krimen ang paglabag sa occupational safety and health standards!