16/07/2026
PNP NAGPATAYO NG BARANGAY OUTPOST, NAGHATID NG PAG-ASA SA KATUTUBONG PAMAYANAN
Kasabay ng pagdiriwang ng Police Community Relations (PCR) Month, muling ipinakita ng Philippine National Police (PNP) na ang tunay na diwa ng paglilingkod ay higit pa sa pagpapatupad ng batas, ito ay ang pagbuo ng matatag na ugnayan sa mga komunidad sa pamamagitan ng malasakit, pagtutulungan, at serbisyong may puso.
Noong Hulyo 11 at 12, 2026, nagsagawa ng magkahiwalay na community initiatives ang mga tauhan ng Police Regional Office 5 (PRO5). Sa Barangay Sta. Maria, Mobo, Masbate, pinangunahan ng Masbate 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC), sa pamamagitan ng Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Team, ang pagsisimula ng pagtatayo ng Barangay Outpost katuwang ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at mga opisyal ng barangay. Layunin nitong higit pang mapalakas ang police visibility at mapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Samantala, sa Barangay Guisican, Labo, Camarines Norte, nagsanib-puwersa ang Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company at ang Advisory Group for Police Transformation and Development upang maghatid ng community outreach program para sa mga miyembro ng Manide Tribe. Kabilang sa mga isinagawa ang feeding program, libreng pagpapagupit, at pamamahagi ng food packs at vegetable seeds bilang suporta sa kabuhayan at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga katutubong pamilya.
Ayon kay Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang ganitong mga programa ang tunay na nagpapakita ng kahalagahan ng pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mamamayan.
"Ang Police Community Relations ay hindi lang isang programa o selebrasyon. Isa itong pangako na ang bawat pulis ay magiging mas malapit, mas maaasahan, at mas makatao sa paglilingkod. Kapag ang komunidad at kapulisan ay nagtutulungan, mas nagiging matibay ang pundasyon ng kapayapaan."
Dagdag pa niya, "Nakakatuwang makita ang ating mga kapulisan na hindi lang nagbibigay ng seguridad kundi nagbibigay rin ng pag-asa. Sa simpleng pagtulong, pakikinig, at pakikiisa sa ating mga kababayan, mas nararamdaman nila na ang PNP ay tunay na katuwang ng bawat Pilipino."
Ang mga gawaing ito ay sumasalamin sa layunin ng PNP Focused Agenda na palakasin ang Community Support at isulong ang people-centered policing sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, stakeholder, at iba't ibang sektor ng lipunan.
Sa paggunita ng Police Community Relations Month, patuloy na isinusulong ng PNP ang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, kung saan ang tiwala ng mamamayan ay patuloy na pinatitibay sa bawat mabuting gawa ng bawat pulis.
(PNP-PIO)